Ginanap noong Sabado ang 30th Annual Provincial Celebration ng Elderly Filipino Week ng sa bayan ng Ferrol, Romblon sa pangunguna ng Provincial Social welfare and Development Office at pakikipagtulungan ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP) – Romblon.
Ang pagdiriwang ay pinasimulan sa pamamagitan ng parada sa kabayanan ng Ferrol kasunod ang programa sa covered court ng Ferrol public plaza na dinaluhan ng 2,100 senior mula sa 17 munisipyo ng Romblon.
Sa kalakaran ng programa, binigyang-pugay ng mga halal na opisyal ng lalawigan ng Romblon sa pangunguna nina Congressman Emmanuel F. Madrona, Governor Eduardo C. Firmalo at Vice Governor Jose R. Riano ang mga nakatatandang dumalo sa panlalawigang selebrasyon kung saan lahat ng bayan ay may delegasyong dumating o dumalo.
Binigyang pagkilala sa nasabing pagtitipon ang mga munisipyong patuloy na nagsusulong ng iba’t ibang programa at proyektong pinakikinabangan ng mga nakatatanda at naghadog rin ng intermission number ang bawat delegasyon sa pamamagitan ng sabayang pag-awit.
Sinimulan ring ipamahagi ng pamahalaang panlalawigan ang P50,000 na insentibo sa 20 nakatatandang may edad 97-99 mula sa iba’t ibang munisipyo sa pangunguna ni Gov. Firmalo at pangangasiwa nina PSWD Officer Vilma Fos at Provincial Treasurer Lorelie Manago.
Ipinahayag ni Governor Firmalo ang kagalakan sapagkat kahit malayo ang venue ng pagdiriwang ay napakaraming senior citizens pa rin ang dumalo at kanyang pinasalamatan ang mga nakatatanda na naging liwanag at gabay sa lipunan.
Sa mensahe naman ni Congressman Madrona, kanyang sinabi na marapat lamang na suklian ng pagmamahal at pagkalinga ang mga senior citizens dahil sa kanilang kontribusyon sa lipunan at upang maging masaya at makahulugan ang kanilang mga araw ng pagtanda.
Nagbigay pahayag din si Vice Governor Riano kung saan kanyang sinabi na mahalin at respetuhin ang nakatatanda dahil malaki ang naging kontribusyon nila sa bawat isa sa atin dahil minsan din silang naging bata, estudyante, empleyado at magulang na humubog sa atin at sa kasalukuyang henerasyon.
“Kung ano man tayo ngayon utang natin sa kanila ang ating buhay, kaya’t matuto tayong gumalang sa nakatatanda sa atin,” pagtatapos na pahayag ni Riano.
Ang taunang pagdiriwang ng Linggo ng Katandaang Filipino tuwing ika-1 hanggang ika-7 ng Oktubre ay alinsunod sa Proclamation No. 470 serye ng 1994 sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang selebrasyon ngayong taon ay nakaangkla sa paksang “Kilalanin at Parangalan: Tagasulong ng Karapatan ng Nakatatanda Tungo sa Lipunang Mapagkalinga”. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)