Malaking tulong sa turismo ang pasisimulang biyahe na Clark – San Jose (vice versa) ng Philippine Air Lines (PAL), ayon sa Municipal Tourism and Community Development Office (MTCDO) ng bayang ito.
Base sa pahayag ni Ann Roxanne De Vera, Tourism Operations Officer ng MTCDO, maraming tourist destinations ang San Jose na makakaakit sa mga taga Central Luzon.
“Andito ang Devils Mountain, ang magagandang resort ng Grace island at Inasakan, at ang Tamaraw na tanging sa Mindoro mo lamang makikita,” saad pa ni De Vera.
Isa pa aniya sa posibleng dahilan ng pagpasok ng mga turista ay ang lokasyon ng San Jose. “Malapit ito sa iba pang magagandang destinasyon,” paliwanag ni De Vera, “mula San Jose ay maaring tumulak patungong Coron (Palawan), Bulalacao (Oriental Mindoro) at Boracay (Aklan).”
Gayunman, nais aniya ng kanilang tanggapan, na makilala ang bayang ito ng higit pa sa maganda nitong lokasyon. “Kasama sa plano ng lalawigan ang paglalagay ng boardwalk sa dalampasigan ng Aroma at iba pang water activities,” ayon pa kay De Vera.
Apat na araw kada linggo ang biyahe ng PAL, dagdag pa ng opisyal ng MTCDO, “may biyahe ang PAL tuwing Linggo, Lunes, Miyerkules at Biyernes.” Ayon pa dito, magdadala ng maraming oportunidad ang pagbubukas ng naturang ruta. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)