Pinal ng ipinasa ng Provincial Development Council (PDC) ng lalawigan ng Romblon ang naantalang 2019 annual development plan ng lalawigan ng Romblon na iprinisinta sa kanila ng Provincial Government nitong nakaraang Huwebes, October 25.
Naantala ito matapos na kwestyunin ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Romblon Chapter ang naunang 2019 annual development plan ng lalawigan ng Romblon na ipinasa noong Hunyo dahil di umano sa walang quorum ng mga Mayors sa nasabing meeting.
Sa naunang panayam ng Romblon News Network kay Corcuera Mayor Rachel Bañares, presidente ng LMP-Romblon Chapter, sinabi nito na kinikwestyon ng majority ng mga alkalde ng Romblon validity ng ginanap na PDC dahil wala umano ang mga alkalde sa venue noong panahong iyon.
Sa Full PDC Meeting na ginanap nitong Huwebes, opisyal na ginawang void o na-nullify ng konseho ang naunang minutes noong Hunyo at pinawalang bisa ang naunang ipinasang 2019 annual development plan.
Sa bagong development plan, napagkasunduan ng mga alkalde na ang bawat bayan ay magkakaroon ng miminum budget na P5-million para sa mga infrastructure projects na hahawakan ng provincial government o di kaya ng municipal government.
Ilan sa mga nabanggit na proyekto sa 2019 annual development plan ay ang pagpapasemento sa iba’t ibang provincial road at access roads sa lalawigan, pagtatayo ng mga solar street lights, pagpapaganda ng mga covered courts, at iba pa.
Aabot ang budget ng development plan sa halos P166-million o 20% ng Internal Revenue Allotment (IRA) ng probinsya. Hiwalay pa dito ang budget para sa pagpapaganda ng mga ospital sa lalawigan, at mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Hiniling naman ni Romblon Mayor Mariano Mateo sa Provincial Government na maglabas ng monthly status report ng mga proyekto na nasa ilalim ng annual development plan para di umano mamonitor rin ng mga Mayors kung tuloy-tuloy ba ang pagpapatrabaho ng mga contractor ng Provincial Engineering Office.
Ito ay matapos iulat sa konseho na nasa 50% palang umano ang naipatutupad na proyekto ng provincial government mula sa 2016-2017 annual development plan dahil sa ilang issues. Nangako naman ang Provincial Government ng Romblon na titingnan nila ang mga nabanggit na issue.