Mahigit 300 mga estudyante ng Philippine Science High School (PSHSS) System mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang dumalo sa tatlong araw na science research summit na isinagawa sa lungsod ng Puerto Princesa.
Layon ng gawain na maitaguyod ang kamalayan sa teknolohiya at agham sa pamamagitan ng paglalatag ng notable research projects ng mga estudyante ng PSHSS; pagsasagawa ng hands-on science activities para sa mga mag-aaral sa elementarya at pagiging punong-abala sa seminar workshop para sa mga guro sa paggamit ng science research protocols.
Sa exhibit, ipinakita ang mga nalikhang 107 research papers mula sa 12 eskuwelahan ng PSHS sa buong bansa sa nagpapatuloy na research program ng grade-12.
Natapos sa programa ang mga pag-aaral sa larangan ng biology, chemistry, computation and science, engineering, environmental science and material science.
Sa Press Conference, sinabi ni Virginia Andres, direktor ng PSHSS main campus sa Quezon City, na hangad nilang makapaghatid ng inspirasyon sa mga estudyante ng Palawan at mahikayat ang mga ito na maipamalas ang kanilang kakayanan sa Agham sa pamamagitan ng pagpasok sa science high school.
“Sana pag nakita ng publiko, ma-inspire sila na kaya naman pala ng mga high school students ang ganitong klase ng mga research, tapos kung ma-feature na ang campus sa Mimaropa, baka mas lalong ma-inspire ang mga kabataan sa Palawan at magustuhan na maging scientist dahil inspiring ang mga projects na ito na kahanga-hangang gawa ng mga estudyante ng high school at hangad din natin na mahikayat ang iba pang estudyante na pumasok sa science high school,” ani Andres.
Samantala, ayon kay PSHS System Executive Director Lilia Habacon, ito ang kauna-unahang pagsasagawa nila ng research summit sa Palawan, kung saan napili ang lalawigan upang maipabatid na mayroon nang naitayong eskuwelahan nito sa Mimaropa na matatagpuan sa Odiongan, Romblon.
“This time, we would like to be informed Mimaropa that there is a Philippine Science High School in the region and they are all invited to visit and have a looked at Mimaropa campus,”tinuran ni Habacon bilang panghihikayat sa mga estudyante sa Palawan na pumasok sa PSHS campus. (Leila B. Dagot/PIAMIMAROPA-Palawan)