Aabot sa 100 katao na binubuo ng mga miyembro ng Romblon Diocesan Social Action Center (RDSAC), AKKMA ng Mahigugmaon Nagkakaisang Romblomaon (AMNR), at mga residente ng Sitio Kayoing, Barangay Agtongo, Romblon ang kasalukuyang nagsasagawa ng pagkilos sa harap ng Romblon Provincial Capitol sa Romblon, Romblon.
Ipinanawagan ng grupo sa gobyerno na ipatigil ang pagiba sa mga bundok na sakop ng Barangay Cajimos, Agtongo, Alad, at Agbaloto dahil sa di umano’y illegal quarrying sa lugar.
Matatandaan na inireklamo ng grupong AKKMA ng Mahigugmaon at Nagkakaisang Romblomanon, isang pribadong grupo na nangangalaga ng kalikasan ng lalawigan ng Romblon, ang operasyon ng Alad Mining Development Corporation dahil nakitaan umano ito ng paglabag sa ilang regulasyon tulad ng kawalan umano ng Environmental Compliance Certificate (ECC) at lumagpas din umano sa 2.8851 ektarya na nakasaad sa kanilang aplikasyon.
Pansamantalang pinatigil ng PMRB at DENR-MGB ang operasyon ng Alad Mining Development Corporation ngunit muling pinayagang mag-operate nitong nakaraang buwan matapos na di umano’y masunod ng kompanya ang mga dapat ayusin na isinasaad ng cease and desist order laban sa kanila.
“Mas mahalaga ang buhay ng tao kesa sa tax [buwis] na binabayad ng mining [company],” ayon sa nagsasalita mula sa nagsasagawa ng pagkilos.
Isinisigaw ng grupo na ‘itigil ang iligal na marble mining’ sa kanilang mga lugar dahil naapektuhan umano sila ng pagmimina.
Bago dumiresto ang grupo sa Romblon Provincial Capitol, dumaan muna sila sa harap ng Municipal Hall ng Romblon, Romblon at nagsagawa rin ng parehong pagkilos.
Walang pahayag ang mga opisina ni Local Government Unit ng Romblon at ang Romblon Provincial Capitol kaugnay sa nasabing pagkilos.