Dagdag na P3.00/kilo ng palay ang insentibong ibibigay sa mga magsasakang magbebenta sa National Food Authority (NFA).
Ang P3/kilo na dagdag ay nakapaloob sa Buffer Stocking Incentives (BSI) na nilagdaan ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol sa kanyang pagdalaw kaninang umaga sa bayang ito.
Ayon sa Kalihim, noon pa dapat itinaas ang presyo ng bilihan ng palay sa NFA ngunit tinutulan ng marami sa pangambang magdudulot ito ng inflation. “Sige, P17 pa rin kada kilo, pero dadagdagan ko ng insentibo. Kaya P20.70/kilo na ang bilihan ng palay sa NFA,”pahayag ni Piñol.
Ipinaliwanag naman ni Tomas Escarez, OIC NFA Administrator, kung paano idinadagdag ang BSI. Aniya, kapag mataas ang moisture content, o basa pa ang palay, mas mababa ang presyo nito sa NFA.
“Across the board ang buffer stocking incentive. Halimbawa bagong ani ang palay, mataas ang moisture content, P15/kilo ang presyo nito,” saad ni Escares, “subalit dahil sa BSI, bibilihin ito ng NFA sa halagang P18/kilo.”
Ang karagdagang insentibo sa bilihan ng palay sa NFA ay sinimulang ipatupad noong Oktubre 12. (Voltaire N. Dequina/PIA MIMAROPA/Occ Min)