Humihirit ng P2 na dagdag singil sa pamasahe ang ilang grupo ng mga Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa bayan ng Odiongan, Romblon bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina sa bayan.
Ibig sabihin nito, mula P10 na minimum fare sa mga tricycle, aakyat na ngayon ito sa P12 kada biyahe at madadagdagan pa ng P2 kada kilometro para makaagapay ang mga tsuper sa pagmahal ng mga produktong petrolyo.
Nagpadala na umano ng sulat ang grupo ng mga TODA sa Odiongan sa local government unit ng Odiongan at kay Sangguniang Bayan Member SB Diven Dimaala na Chairman rin ng Committee on Transportation.
Ayon kay Rommel Cayetano, isang tricycle driver na nakausap ng Romblon News Network, nagtitipid na umano sila ngayon dahil napupunta nalang sa gasolina ang dapat pangkain ng kanilang mga anak. Hiling niya sana ay bumaba na ang presyo ng gasolina sa bayan para ma-budget na umano nila ng maayos ang kanyang kinikita araw-araw o kung hindi man bumababa ay tumaas nalang umano ang kanilang pamasahe.
Malaking bagay rin umano ang P2 na dagdag singil lalo pa ngayong mahal na ang mga bilihin.
Sa huling price monitoring ng Romblon News Network nitong Martes, pumapatak na sa P66 hanggang P73 ang presyo ng gasolina sa Odiongan, Romblon.
Sa text message naman na pinadala ni SB Diven Dimaala sa Romblon News Network, sinabi nito na nagkakaroon na ng public hearing ang hinihirit na dagdag singil sa pamasahe ng grupo ng mga TODA.