Dinepensahan ni Relly Diokno ng Office of the Provincial Agriculture ng Romblon (OPAg) ang mataas na presyo ng kanilang nabiling mga buto ng talong, kalabasa at ampalaya.
Tinukoy kasi sa isang Facebook post ni Sangguniang Panlalawigan Member Jun Bernardo Jr., na bumili ang Office of the Provincial Agriculture ng mga buto ng talong, kalabasa at ampalaya sa presyong P14,900; P13,300 at P7,200 per kilo base sa nakuha nitong Purchase Request. Ayon sa ilang nagkomento sa post, parang ‘overpriced’ di umano ang mga nabiling buto.
Paliwanag ni Diokno, totoo ang mga nasabing papeles at totoo rin ang nasabing presyo. Aniya, ang mga nasabing buto ay binili ng ‘per kilo’ at sa isang kilo umano ay makakapag-repack na ang Office of the Provincial Agriculture ng aabot sa 310 hanggang 330 sachets na ipapamigay nila sa mga magsasaka.
“Yung nabibili sa labas na isang sachet ng Hybrid Eggplant na 1.5 grams lang ang laman ay P60 na ang presyo, so kung ginawa mong isang kilo yun, sobrang mahal na yun. Meron ring P40 per sachet, na 3 grams kaso mas malalaki ang buto niya kaya mas kakaunti ang matatanim,” paliwanag ni Diokno.
Dumaan rin umano sa tamang proseso ang pagbili ng mga nasabing buto at hindi minadali itong bilhin.
Sinabi naman ni Diokno na ang mga nabiling buto nitong first quarter ng taon ay ipinamahagi ng Office of the Provincial Agriculture sa mga magsasaka sa Corcuera, Concepcion, Banton, at Romblon kung saan ginanap ang katatapos lang na Provincial Caravan.
“Sa farmers rin napupunta yang mga buto, tulong natin yan sa kanila para may maitanim sila. Kesa sila ang pumunta sa opisina para humingi, kami na mismo ang maghahatid sa kanila,” dagdag pa ni Diokno.
Hiling ni Diokno sa mga bumabatikos sa nabiling mga buto, tumulong nalang umano para mas gumanda ang buhay ng mga magsasaka sa probinsya.