Mahigpit ng ipagbabawal ng Odiongan Municipal Police Station simula sa susunod na buwan (November 1) ang mga rider sa bayan ng Odiongan na hindi magsusuot ng helmet kapag nasa kalsada ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Supt. Raquel Martinez, Office In Charge ng Odiongan Municipal Police Station, napansin niya umano na sa bayan ng Odiongan ay hindi ito striktong ipinatutupad ang ‘no helmet, no driving policy’ ngunit sa ibang bayan sa ibang probinsya umano ay strikto ito.
Batay sa datus ng Odiongan Municipal Police Station, halos lahat ng naaksidente sa motorsiklo sa bayan ng Odiongan nitong mga nakaraang buwan at taon ay walang suot na mga helmet.
Batay sa Republic Act no. 10054 o mas kilalang Motorcycle Helmet Act of 2009, lahat umanong rider ay kinakailangang magsuot ng helmet kapag bumabiyahe kundi ay pagmumultahin ng gobyerno.
Pangungunahan ng Odiongan Municipal Police Station ang paninita at panghuhuli sa mga rider na walang suot na helmet sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office – Romblon, at Odiongan Transport and Regulatory Unit (OTRU).