Nababahala si National Food Authority-Romblon Provincial Manager Romulo O. Aldueza sa naiulat na pag-export ng mga palay mula sa Tablas Island patungong Oriental Mindoro nitong nakalipas na mga linggo.
Base sa report na nakarating sa Romblon News Network, may grupo galing Oriental Mindoro ang nagdala ng harvester machine sa Tablas Island at kinakausap ang mga may-ari ng palayan na aanihin nila ang kanilang mga palay kapalit ng 10% ng kanilang ani.
Na-monitor rin ng Romblon News Network na ang 10% ng mga naaning palay na napunta sa grupo na may dala ng harvester machine ay isinasakay sa truck at binabiyahe patawid ng Roxas, Oriental Mindoro.
Sa personal na opinion ni Aldueza, sinabi nito na dapat tingnan ng Local Government Unit [San Andres, Odiongan, Looc] ang ginawa ng nasabing grupo at alamin kung may permit ba mula sa National Food Authority ang mga ginamit nilang harvester.
“Parang hindi maganda yun sa Tablas Island, parang unfair. Yan bang mga harvester na yan ay lisensya ng NFA sa Mindoro? Dapat yan may lisensya at yan ba inauturized ng local government o sa barangay?,” ayon kay Aldueza.
Tinutukoy ni Administrator Aldueza na dahilan kung bakit hindi dapat ilabas pa ang mga palay ng Romblon sa ibang probinsya dahil sa mababang produksyon at farm lot ng probinsya. Mismong si Agriculture Secretary Manny Piñol na noong nakaraang taon ang nagsabi na hindi proportion sa bilang ng mga Romblomanon ang bilang ng mga lupang pwedeng sakahan sa probinsya.
“Kasi yan ay magiging unfair sa mga Romblomanon kasi alam naman natin na tayo ay kumukuha pa ng NFA rice galing Batangas, hindi na makakatikim ang mga taga-Romblon ng local rice na masarap [kung wala ng ibebenta sa palengke],” dagdag pa ni Aldueza.
Inamin naman ni Aldueza na malaking tipid para sa mga may-ari ng sakahan ang paggamit ng harvester ngunit mawawalan naman umano ng trabaho ang mga taong umaasa lang sa pagsasaka at pag-aani dahil mawawala na umano ang mano-manong pag-ani ng palay.