Napagkasunduan ng mga miyembro ng Odiongan Municipal Price Coordinating Council (MPCC) na magpasa ng resolution na humihiling sa Department of Energy na imbestigahan ang mataas na presyo ng gasulina sa bayan ng Odiongan.
Umabot na kasi sa P65.15/liter hanggang P72.17/liter ang presyo ng gasulina habang P57.20/liter hanggang P60.04/liter naman ang presyo ng Diesel sa bayan ng Odiongan kasunod ng ipinatupad na oil price hike noong Martes, October 02. Ang mga nabanggit na presyo ng langis ay mas mahal kesa sa mga gasulinahan sa ibang isla, at bayan.
Ayon kay Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, nagpulong ang Municipal Price Coordinating Council kahapon, Miyerkules, para pag-usapan ang kasalukuyang presyo ng mga bilihin sa bayan kasama na ang presyo ng gasulina at diesel.
Nauna ng ipinaliwanag ng oil industry na malaki umano ang ginagastos ng mga gas stations para lang makapagdala ng gasolina sa lalawigan galing sa Bataan, Batangas, at Lucena dahil itinatawid pa ito sa dagat.
Dagdag rin umano sa gastos ang patong-patong na kinukuha ng Gobyerno sa mga gasulinahan pagdating sa Train Law, Percentage Tax, at Excise Tax kaya malaki rin ang patong sa gasulina.
Wala pang tugon ang Department of Energy kaugnay rito.