Ibinahagi ng Department of Science and Technology (DOST) sa 2018 Regional Science and Technology Week sa bayang ito, ang mga pinakahuling programa at inobasyon (innovations) na pinondohan ng ahensya.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato De La Peña, panauhing tagapagsalita sa pagdiriwang, ang mga nabanggit na inobasyon ay resulta ng pagsasaliksik ng iba’t ibang unibersidad sa bansa at inaasahang malaki ang maitutulong sa pag-angat ng buhay ng mga Pilipino.
Unang iprisinita ng kalihim ang saliksik sa katas ng carrageenan, isang uri ng seaweed, na kapag irradiated ay maaring gamitin sa mga pananim. Lumabas aniya sa pag-aaral na may kakayahan ang produkto (irradiated carageenan) na itaas ang ani ng palay mula 15 – 40 porsiyento.
“Sa katunayan, ang teknolohiya pong ito ay binili na ng pribadong sektor upang tuluyang mapakinabangan,” saad ni De La Peña.
Ibinahagi pa ni De la Peña ang teknolohiya na makakatulong din sa sektor-agrikultura, ang Protein-Enriched Copra Meal (PECM). “Pinatataas ng Solid State Fermentation Technology ang protina ng copra meal o sapal, kung kaya’t mahusay itong pakain sa mga livestock (hayop),” saad ng opisyal.
Bukod sa dalawang teknolohiyang nabanggit, iniulat din ng tagapamuno ng DOST ang ilan pang pananaliksik sa paghahayupan (gaya ng Itik Pinas), mga gamot mula sa halaman, fungi at yamang dagat (tulad ng Tuklas Lunas Program) at iba pang mga programa na may kaugnayan sa sektor ng edukasyon, transportasyon at kalusugan.
“Bahagi ng tungkulin ng aming ahensya na tiyakin na ang mga bagong kaalamang ito ay mailipat sa iba’t ibang sektor o line agencies, at sikapin na higit pang mapaunlad ang agham at teknolohiya sa bansa” pagbibigay-diin ni De La Peña. (Voltaire N. Dequina/PIA MIMAROPA/Occ Min)