Nakiisa ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa bayan ng Romblon sa pagdiriwang ng 2018 International Coastal Clean – Up Day taglay ang temang “Ako ang Solusyon sa Polusyon.”
Ito ay sa pamamagitan ng paglilinis ng mga basura sa baybaying dagat lalo na ang mga nagkalat na plastic sa Bonbon beach, Bgy. Lonos sa bayan ng Romblon.
Nagkakasamang nagsagawa ng paglilinis ng baybayin ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Romblon Police Provincial Office, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, PNP Maritime Group, barangay officials, volunteers, ilang indibidwal at mga kabataan.
Ang nabanggit na pagdiriwang ngayong buwan ay layuning lumikha ng higit na kamalayan sa pagpapalaganap ng pangangalaga sa karagatan.
Nilalayon din ng aktibidad na ito na hikayatin ang mga mamamayan na iwasang magtapon ng anumang uri ng basura sa mga baybayin.
Muling nagpaalala si MDRRM Officer Caesar Saul M. Malaya sa mga residenteng naninirahan malapit sa dalampasigan na pangasiwaan nila ang pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang paligid.
Aniya, iniulat ng Ocean Conservancy and McKinsey Center for Business and Environment na ang Pilipinas ang pangatlo sa buong mundo sa pinakamamalaking source ng plastic leaking sa karagatan at nangunguna naman sa South East Asia.
Dahil sa ulat na ito aniya ay dapat na magkaroon ng disiplina sa sarili ang mga Pilipino at iwasang magtapon ng plastik na basura sa dagat, ilog o sapa at maging sa buong paligid.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)