Ikinasa ng Land Transportation Office (LTO)- Romblon District Office ang kanilang Caravan sa isla ng Sibuyan upang maghatid ng serbisyo sa mga motorista at nagmamay-ari ng sasakyan sa tatlong munisipyo ng nasabing lugar.
Ang LTO Caravan sa Sibuyan ay nagsimula noong Oktubre 8 at magtatapos sa Oktubre 12, 2018. Ang pag-iikot ng LTO ay isinagawa sa mga sumusunod: bayan ng San Fernando (Okt. 8-9), Cajidiocan (Okt. 10) at Magdiwang (Okt. 11-12).
Ang LTO ay nagsagawa ng driver licensing, inspeksiyon sa mga sasakyan, ebalwasyon sa mga dokumento o mga papeles na kinakailangan sa pagpaparehistro, pagkalkula ng babayaran at smoke emission testing ng mga behikulo.
Sinabi ni LTO District Head Evaliza M. Aseron, na nagpapatuloy pa rin ang layunin ng kanilang ahensiya na mailapit sa taumbayan at magbibigay ng tunay na serbisyo-publiko sa mga mamamayang nakatira sa mga island municipalities kung saan napakalayo ng mga ito sa tanggapan ng LTO.
Ang patuloy na paghahatid serbisyo ng LTO-Romblon sa mga malalayong bayan ay bilang tugon sa mga karaingan ng mga nagmamay-ari ng mga sasakyan upang hindi na mahirapan pa na magtungo ang mga ito sa tanggapan ng LTO sa bayan ng Odiongan.
Nakakatipid rin ang mga magpaparehistro ng sasakyan o nagri-renew ng driver’s license sa pamasahe at iba pang gastusin sa pagpoproseso ng kanilang mga papeles kapag may ganitong aktibidad ang LTO sa mga island municipalities.
Nilalayon din ng LTO Romblon na maibsan ang pagdami ng mga kolorum na mga behikulo sa buong lalawigan at matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong sumasakay sa mga namamasadang sasakyan.
Ayon sa pamunuan ng LTO-Romblon, hindi agad-agad makukuha ang driver’s license gayundin ng mga may-ari ng sasakyan ang kanilang mga papeles sa araw mismo ng pagpaparehistro o pagre-renew ng mga ito sapagkat ang lahat ng mga ipoprosesong mga dokumento ay kinakailangan pa ring dalhin sa bayan ng Odiongan upang dumaan sa LTO-Information Technology System. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)