Arestado ulit si Bernardo Ramo, residente ng Barangay Cambajao sa Cajidiocan, Romblon matapos na mahulihin ng ipinagbabawal na shabu sa kinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng otoridad nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa pulisya, inaresto nila ang suspek matapos tanggapin ang buy-bust money na aabot sa P9,000, hindi alam ng suspek na P8,000 rito ay pekeng P1,000 bill at gagamitin lang para sa buy-bust operation. Nabilhan umano ang suspek ng isang sachet ng pinagbabawal na shabu.
Dinala ang suspek sa Cajidiocan Municipal Police Station para ikulong at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dati ng naaresto ang suspek noong 2016, kasagsagan ng Eleksyon, dahil sa baril, at droga. Wala pang pahayag ang suspek kaugnay sa bagong kaso.
Paalala ng Cajidiocan Municipal Police Station, patuloy silang nagbabantay sa mga posibleng transkasyon ng droga sa bayan kahit idineklara na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na drug-cleared ang probinsya ng Romblon.