Sa halip na si incumbent Congressman Emmanuel Madrona ang maghahain ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-congressman sa lalawigan ng Romblon, si dating Congressman Eleandro Madrona ang naghain ng kandidatura para sa grupo ng PDP-Laban.
Opisyal na inihain ng dating congressman ang kanyang kandidatura sa Commission on Elections (Comelec) provincial office nitong Miyerkules ng umaga, kung saan huling araw ng filing period na itinakda ng Comelec.
Kasamang naghain ng kandidatura ni Madrona sina incumbent Vice Governor Jose Riano na tatakbo sa pagka-Gobernador, at si incumbent SP Armand Guttierez na tatakbo naman sa pagka-bise gobernador.
Naghain rin ng kanilang mga COC ang mga pambato ng coalition na sina Neneg Solis, Herminio Mortel, Rachel Bañares, at Jun Bernardo para sa first disctrict; at sina Fred Dorado, Robert Maulion, Eddie Lota, at Edmundo Reloj Sr. para naman sa second district.
Sa maikling talumpati ni Congressman Emmanuel Madrona sa harap ng mga taga-suporta nito, sinabi nitong ang desisyon para hindi siya tumakbo sa pagka-Congressman ay dahil gusto niya na umanong mag retiro sa pulitika, at dahil na rin sa health condition nito.
Pinasalamatan naman ni Eleandro ang kanyang kapatid dahil sa serbisyo nito sa probinsya ng Romblon.
Nauna ng nag-file ng kandidatura ang grupo ni incumbent Governor Eduardo Firmalo na makakalaban ni Madrona sa pagka-Congressman.