Wala masyadong paggalaw sa presyo ng basic necessities at prime commodities sa buong lalawigan nitong mga nakaraang buwan ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa kabila ito ng ulat ng Philippine Statistics Authority na tumaas umano ang inflation rate sa MIMAROPA Region (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan).
Ayon kay Orville F. Mallorca, Provincial Director ng DTI-Romblon, wala umano silang nakikitang paggalaw sa mga presyo base sa report na pinapasa sa kanya ng Price Monitoring Team ng kanyang opisina.
Kabilang na umano sa hindi gumagalaw ng presyo ang mga sardinas, noodles, gatas, at mga bottled waters.
“Pagdating po sa mga processed products katulad ng canned goods, sardines, noodles, bottled water, milk po ay wala masyadong paggalaw sa presyo nito batay sa price trending at monitoring team ng DTI,” pahayag ni Mallorca nitong Lunes sa Romblon News Network.
Nauna ng sinabi ni Trade Undersecretary Ruth B. Castelo na may 41 na manufacturers sa bansa ang nangako sa kanilang opisina na hindi gagalaw ang kanilang mga presyo ng produkto sa loob ng siyam (9) na buwan simula noong Setyembre. Kabilang dito ang mga brands ng sardinas, iba pang canned goods, gatas, noodles, bottled water, sabon, at tinapay.
Sa sardinas, ang mga nabanggit na kompanya ay ang: Ligo, Hakata, 555, Rose Bowl, Saba, Young’s Town, Mega, King Cup, Toyo, Family, Master, Atami, Mikado at Hakone. Sa gatas naman ay ang: Alaska, Carnation, Milkmaid, Alpine, Liberty, Cowbell, Birch Tree Powdered Milk, Angel Evaporated Milk, Anchor Powdered Milk at Bear Brand Powdered Milk.
Ang Summit, Absolute, Wilkins, Viva, Nature’s Spring, Supersavers, Robinsons Mall, Magnolia, SM Bonus, Refresh at Hidden Spring naman ang mga brand na hindi magtataas ng kanilang mga bottled waters.
“Over the years, the manufacturers have been very cooperative with the DTI. During times of calamity, they are the first to help the government in ensuring that supply of basic and prime goods are available in areas hit by typhoon or any other natural calamity. We assure the consumers that the department and the manufacturers will continuously work together to guarantee that prices of basic and prime goods are kept at reasonable levels,” ayon sa statement ni Castelo.
Samantala, nangako naman si Mallorca na hindi tumitigil ang kanilang opisina sa pagbabantay sa mga presyo ng mga bilihin sa probinsya kasama na rito ang bigas, at langis kahit labas umano ito sa itinakda ng batas.
“Para po sa mga kababayan natin sa Romblon, sa harap nitong sobrang taas ng inflation rate natin, ang DTI po ay patuloy na ginagampanan ang kanyang tungkulin na ‘to protect the best interest of the consumers’ at siyempre yung hindi rin malulugi ang mga negosyante,” pahayag ni Mallorca.