Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa mga store owners sa lalawigan na sundin ang mga Suggested Retail Price (SRP) ng mga Noche Buena products sa lalawigan.
Sinabi ni Grace Fontelo, Development Specialist ng DTI-Romblon, na may nilabas ang departamento na bagong SRP nitong October 13 at kasama rito ang mga noche buena products kagaya ng ham, fruit cocktail, cheese, mayonnaise, queso de bola, pasta/spaghetti, macaroni, spaghetti sauce, at tomato sauce.
“May monitoring team tayo na nagbabantay sa mga presyo ng mga processed products, para masiguro na walang umaabuso sa presyo,” pahayag ni Fontelo sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Lunes.
Pinayuhan ni Fontelo na tingnang mabuti ang mga presyo ng mga bibilhing produkto at siguraduhing pasok ito sa SRP.
Maari rin umanong tingnan ang mga SRP ng mga bilihin sa e-presyo website ng DTI.
Samantala, pinayuhan rin ng DTI ang publiko na tingnang mabuti ang mga ICC stickers ng mga bibilhin at gagamiting christmas lights.
Aniya, ang ilan umano sa mga Romblomanon ay November palang ay naglalagay na ng Christmas lights kaya mabuti na umanong makasiguro sa kalidad ng bibilhing mga pailaw.