Dalawang lalaki ang sugatan sa magkahiwalay ng insidente ng pananaga sa bayan ng Odiongan sa Romblon nitong Miyerkules ng gabi ayon kay Supt. Raquel Martinez, OIC ng Odiongan Municipal Police Station.
Unang insidente na kanilang naitala ay nangyari sa Barangay Amatong bandang alas-9 ng gabi.
Ayon sa police report, lasing umano ang suspek na si Gejun Gan Baldera, 21, at nakikipagtalo sa kanyang live-in partner ngunit narinig umano ito ng biktima na si Randy Gabute Fornal, 47, at kamag-anak ng live-in partner ni Baldera. Sinubukang awatin umano ng biktima ang suspek at ang live-in parrtner ngunit bigla umanong kumuha ng bolo ang suspek at pinagtatak ang biktima sa iba’t bahagi ng kanyang katawan.
Agad namang dinala sa Romblon Provincial Hospital si Fornal para ipagamot samantalang ang suspek ay agad na nakatakas at patuloy na pinaghahanap.
Bandang alas-10:45 naman ng gabi, nangyari ang ikalawang pananaga kung saan naitala ito sa Barangay Pato-o.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station, nakikipaginuman umano ang biktima na si Jason Oriendo Forio, 30, sa suspek na si John Paul Forio, 26, ngunit nauwi sa pagtatalo matapos na makaubos ng isang boteng gin.
Nauwi umano sa suntukan ang sagutan ng dalawa ngunit nakakuha umano ng bladed weapon ang suspek at dito na naisip na pagtatagain ang biktima.
Dinala sa Romblon Provincial Hospital si Forio habang ang suspek naman ay agad na naaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang dalawang suspek sa magkahiwalay na insidente ng pananaga.