Inirekomenda na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Calatrava, Romblon ang pag deklara ng State of Calamity sa buong munisipyo ng Calatrava dahil sa patuloy na pamiminsala at pagkalat ng coconut scale insect o mas kilala bilang Cocolisap sa bayan ..
Ayon sa facebook post ni Indigenous Peoples Mandatory Representative to the Sangguniang Bayan (IPMR) Ramon Reandelar, patuloy umano ang pagkalat ng cocolisap sa mga barangay ng Pangulo at Pagsangahan sa nasabing bayan.
Sa pinakahuling taya ng Philippine Coconut Authority – Romblon (PCA-Romblon), aabot na sa mahigit 232.36 ektarya ng niyogan ang apektado ng cocolisap sa mga bayan ng San Agustin at Calatrava simula ng ito ay madiskobre noong nakaraang taon.
Sinabi naman ni Calatrava Mayor Mariet Babera na sa Lunes pa isasalang sa Sangguniang Bayan ang request na magdeklara ng State of Calamity sa nasabing bayan.
Ang mga cocolisap isang ‘distructive insect’ na umaatake ng mga puno ng niyog sa pamamagitan sa pagkain sa kanilang mga dahon, bunga, at bulaklak kung saan tanging trunk nalang ng puno ang matitira.
Nauna ng sinabi ng Philippine Coconut Authority na posibleng kumalat pa sa iba pang barangay ang mga nasabing cocolisap lalo pa pag dumating ang tag-init.
Patuloy naman aniyang nakikipag-usap ang PCA sa mga may-ari ng mga lupa na may mga punong apektado ng cocolisap para magsagawa ng leaf pruning upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng mga insekto.