Idinaos ang Buntis Congress 2018 sa bayan ng Romblon na nilahukan ng 151 expectant mothers.
Ang pagtitipon ay pinangunahan ng pamahalaang bayan, sa pakikipagtulungan ng Rural Health Unit (RHU) at DOH- Human Resource for Health. Ito ay ginanap sa Romblon Public Plaza taglay ang temang “Healthy Buntis, Healthy Baby”.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Merly Valen H. Mallorca, ang 151 expectant mothers ay sumailalim sa iba’t ibang lecture na makabubuti sa mga nanay na nagdadalantao.
Nagsilbing Keynote Speaker si Bb. Merly Bayang, Maternal Newborn Child Health & Nutrition Coordinator & Provincial Nutritionist & Dietician na binigyan ng emphasis ang usapin patungkol sa Safe Motherhood.
Tinalakay rin nito ang kahalagahan ng pre-natal check-up, sintomas ng mga panganib sa panahon ng pagbubuntis at maaaring komplikasyon sa panahon ng pagdadalantao (Danger signs and Pregnancy complications), pagkakaloob ng immunization sa nanay at sanggol, tatlong delays, tamang pagpaplano ng pamilya (Family Planning), benepisyong makukuha ng sanggol kapag nagpapasuso ang nanay.
Ayon pa kay Dr. Mallorca, ang aktibidad na ito ay hakbang ng kagawaran ng kalusugan na mapabuti ang kalusugan ng mga ina at mapababa ang bilang ng mga babaeng namamatay dahil sa komplikasyon habang nanganganak.
Sinabi rin nito na batay sa ordinansang ipinaiiral ng lokal na pamahalaan ng Romblon, mahigpit ng ipinagbabawal ang panganganak sa mga bahay upang sa gayon ay maiwasan ang kapahamakan ng mga ina at sanggol dulot ng mga komplikasyon.
Ang mga nagdadalantao aniya ay kinakailangang sa hospital, health centers at barangay health stations lamang maaaring manganak kung saan mayroong birthing facility at maaasikaso ng maayos ng mga doktor, nurses at midwife upang maiwasan ang malagay sa panganib habang nanganganak.
Layunin din ng pagtitipon na mahikayat ang mga buntis na magsilang sa ospital o health centers upang masiguro na mabibigyan ng tamang pangangalaga at atensiyon bago, habang at pagkatapos na magsilang ng bata.
Tampok rin sa nasabing aktibidad ang iba’t ibang booths na makikita sa venue gaya ng Demonstration of Breastfeeding, Demonstration of Newborn bathing, Dental Services, Laboratory Services – Capillary Blood Glucose & Blood typing and Film showing para sa mga buntis na malapi ng manganak.
Pinangunahan ni Municipal Health Officer Dr. Merly Valen H. Mallorca (Pangalawa mula sa kanan) ang pamamahagi ng ‘Buntis Kit’ mula sa DOH Regional Office na magagamit ng mga nanay sa sanggol na kanilang ipapanganak.(Larawan ni Dr. Merly Valen Mallorca/RHU-Romblon)
Ang lahat ng mga nagdadalanato na dumalo sa naturang pagtitipon ay nakatanggap ng ‘Buntis Kit’ mula sa DOH Regional Office na kanilang magagamit sa sanggol na kanilang ipapanganak.
Kabilang sa mga panauhing dumalo ay sina Vice Governor Jose Riano, Mayor Mariano Mateo, Sangguniang Panlalawigan Member Armando Gutierrez, SP Member Narciso Bernardo Jr., Sangguniang Bayan Member Rhosarean Solis at Michael Balgos na kinatawan ng DOH Romblon Provincial Office.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)