Nagsimula na ang direktang biyahe ng erpolano mula sa Clark International Airport sa Pampanga patungong San Vicente, Palawan.
Sa kauna-unahang biyahe, lumapag sa paliparan ng San Vicente ang bagong Bombardier Next-Generation Q400 turboprop aircraft sakay ang halos 100 pasahero.
Sinabi ni Pocholo Paragas, chief operating officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na ito ay unang hakbang lamang na sinimulan ng pribadong sektor sa hangaring pagpapalago ng turismo.
“We created access point katulad ng Clark, nandiyan ang plano na puwede talagang mag-boom, may eroplano na, at ang pinaka-biggest marching order, El Nido- Puerto Princesa, paikliin nalang ang oras ng biyahe because accessibility is very important,” ani Paragas sa Press Conference na ginanap kasabay ng seremonya.
Tiwala naman si Undersecretary Arturo Boncato ng Department of Tourism (DOT) na sa pamamagitan ng binuksang direktang biyahe mas mapapabilis na ang pag-usad ng turismo sa lalawigan.
“Ang pagdating po ng flight galing Clark, nakikita natin na magiging doble na ang bilis ng ating pag-unlad sa turismo, dahil alam naman natin na ang San Vicente is going to be one of the hottest destinations in the Philippines,” ani ng opisyal.
“Malaki po ang pag-asa natin na ang development po ng San Vicente ay will be the next generation ng development ng turismo sa Pilipinas…ang mandato ng Department of Tourism (DOT), palaguin ang negosyo ng turismo, ang pinaka-importante is to make it inclusive, para lahat po ng mga miyembro ng komunidad, mga investors ay makikinabang dito,” dagdag pa ni Boncato.
Samantala, ayon kay Philippine Airlines (PAL) Branch Manager Joel Paderes, magsisimula sa limang biyahe kada linggo ang PAL sa mga araw ng Lunes, Miyerkules, Biyernes Sabado at Linggo, bagamat inaasahan pang madadagdagan hanggang sa araw-araw sa darating na ika- 18 ng kasalukuyang taon. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)