Ipinaliwanag ni SSS Romblon Branch Head Roberto D. Marcelo ang mga benepisyo at pribilehiyo ng pagiging miyembro ng SSS sa idinaos na future members orientation ng Social Security System (SSS) na dinaluhan ng humigit kumulang 200 mag-aaral ng Romblon State University- Romblon Campus.
Hinikayat rin nito ang mga estudyanteng magtatapos sa susunod na taon na magpamiyembro sa SSS upang maagapayan ng iba’t ibang programa kapag sila ay nagkatrabaho o mayroon ng pagkakakitaan.
Ito ang kauna-unahang campus forum ng SSS at Philippine Information Agency sa lalawigan ng Romblon kung saan ipinaliwanag sa mga estudyante ang mga benepisyong nakukuha ng mga miyembro partikular ang maternity, sickness, disability, retirement at death and funeral.
Ayon kay PIA Mimaropa Officer-In-Charge Victoria A.S. Mendoza, layunin ng aktibidad na palaganapin ang iba’t ibang programa ng SSS at bigyang kamalayan ang mga kabataan hinggil sa mga programa ng gobyerno partikular ang kahalagahan ng seguridad para sa kinabukasan.
Ilan aniya sa mga tinatanggap ng mga aktibong miyembro ng SSS ay ang pribilehiyong makapag-loan at makatanggap ng agapay sa panahon ng pangangailangan gaya sa panganganak, pagkakasakit, pagkabalda, pagkamatay, at pensyon para pagreretiro.
Ayon pa kay Marcelo, napakagandang pagkakataon din ang ganitong aktibidad upang maagang maipaliwanag sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagiging SSS member upang paghandaan ang kanilang kinabukasan.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)