Handa na ang mga emergency response team ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga tauhan ng Romblon Police Provincial Office kasama ang provincial disaster risk reduction and management office at ang local na pamahalaan ng probinsya at munisipyo para sa “Oplan Kaluluwa” na bahagi parin ng paggunita ng Araw ng Mga Kaluluwa at Araw ng Mga Patay.
Ayon kay Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, maglalagay ng mga bantay na pulis sa lahat ng sementeryo sa buong probinsya at babantayan ang posibleng pagdagsa ng mga bibisita sa kanilang mga yumao.
Posibleng maglagay rin ng mga first aid stations ang iba’t ibang volunteers at ang BFP sa mga sementeryo para may pagtanungan o hingian ng tulong ang mga dadalaw sa kanilang mga yumaong kamag-anak.
Samantala, pinaalalahan rin ni Ambonan ang publiko na iwasan na ang mag dala ng mga bagay na ipinagbabawal sa sementeryo katulad nang mga matatalim na gamit at mga alak para hindi umano magka-problema pa.
“Lahat po ng stations natin ay pinag info drive na rin natin at pinag distribute ng mga information materials re sa mga do’s and don’ts sa mga sementeryo,” pahayag ni Ambonan.