Timbog sa mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station ang dalawang taong naaktuhan di umano ng mga operatiba na sangkot sa iligal na sugal na lotteng, at ending sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon kay Police Senior Inspector Gemie Mallen, Chief of Police ng Romblon Municipal Police Station, una nilang naaresto nitong Sabado si Yolanda Mapa, 57, matapos di umanong maaktuhang kumukuha ng taya para sa lotteng at ending sa loob mismo ng Perca Cockpit Arena sa Barangay Bagacay.
Nitong Lunes naman naaresto si Leonilo Romero Sr, sa loob ng Public Market (Matansahan) sa Barangay 2 – Poblacion matapos maaktuhan di umano ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station na naglilista ng mga numero para sa lotteng sa isang karton.
Ayon kay Mallen, ginagamit umano ang karton para di umano mapansin ng operatiba na nagpapataya sila ng lotteng o ending.
Napag-alaman naman ng pulisya na naaresto na rin si Romero sa pareho ring kaso at kasalukuyang nasa Regional Trial Court Branch 81 na sa Romblon, Romblon.
Sinabi ni Mallen na ang pagkakaaresto sa dalawa ay bahagi ng pinalakas nilang pagmonitor sa mga nasasangkot parin sa iligal na sugal sa bayan ng Romblon.
Nakakulong na ngayon ang dalawa at nahaharap sa paglabag sa Presidential Decree 1602, as amended by Republic Act 9287.