Sa baseball, may rule na tanggal na ang manlalaro kapag tatlong ulit na hindi nakahataw sa bola na kung tawagin ay strike 3. Tanong ng ating kurimaw na walang hilig sa sport, mangyari kaya ito sa isang blogger?
Kamakailan lang ay laman na naman ng mga balita ang blogger at BFF ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson na nagngangalang Drew Olivar matapos siyang pagpaliwanagin ng pulisya tungkol sa kaniyang social media post na itinuturing ng ibang nakabasa na “bomb scare.”
Pero bago nito, unang bumalandra sa mga balita at pinag-usapan si Olivar [kasama siyempre si Uson] dahil sa kontrobersiyal nilang “ipepe-idede-ipederalismo” video. Marami ang nabastusan sa video dahil tila iminumuwestra ni Oliver ang maselang bahagi ng kaniyang katawan kapag binanggit niya ang “ipepe.” Samantalang ang dibdib naman niya ang iminumuwestra niya sa pagbanggit ng “idede.”
Puna ng ating kurimaw, puwedeng tama ang pagturo niya sa dibdib sa “idede” dahil may dibdib din naman ang lalaki…pero pagdating sa “ipepe,” may “pepe” ba siya?
Ilang linggo matapos pag-usapan ang “ipepe-idede” video, aba’y sumikat na naman si Olivar at pinag-usapan muli sa balita sa panibagong video na “sign language” naman. Nagalit ang mga grupo ng mga may kapansanan sa pandinig dahil sa tingin nila ay ininsulto at ginawang katawa-tawa ng dalawa ang pangunahing paraan nila ng komunikasyon.
Umabot pa sa pagdedemanda ang naturang usapin dahil sa ilalim ng Magna Carta for Disabled Person, bawal ang diskriminasyon at gawing katatawanan ang mga may kapansanan.
At nitong nagdaang anibersaryo ng paggunita ng Batas Militar, nag-post si Oliver sa kaniyang social media account na “nagbababala” raw sa mga tao na huwag magpunta sa rally sa EDSA dahil ang sabi niya sa post: “Ay nakakatakot naman magrally sa Edsa, kasi may kumakalat na baka maulit daw ‘yung pagbomba kagaya ng Plaza Miranda! Kung ako sa inyo hindi na ako pupunta!”
Sa pagkakataong ito, walang kinalaman si Asec. Uson sa naturang post ni Olivar pero sinamahan niya ang BFF para magpaliwanag sa pulisya dahil may mga naniniwala na mali ang ginawa ng blogger. Tingin ng iba, pananakot ang intensiyon niya at hindi “magbabala” para hindi pumunta sa rally ang mga tao.
Sa totoo lang, may batas na nagbabawal sa pagbabanggit ng “bomba” sa kahit saang pampublikong lugar. Subukan mong sumakay ng bus o eroplano, o kahit pumasok ka sa mall na may dala kang bag at biruin mo ang guwardiya na may “bomba” magazine ka sa loob, tingnan natin kung saan ka dadalhin ng biro mo. Eh ito pa kayang ibubuyangyang mo sa social media ang “babala” na “may kumakalat na baka maulit daw ‘yung pagbomba.” Aba’y gumamit pa ng salitang “daw” dahil nga ‘di sigurado sa sinabi niya.
Kung ang ibang nagbibiro lang tungkol sa bomba eh nakakasuhan at nadadala sa presinto, dapat lang na mas lalong mahigpit ang mga awtoridad doon sa mga “nagdudulot” ng takot.
Pero sa kabilang banda, kung sablay man ang dalawa niyang video tungkol sa “ipepe-idede” at “sign language” dahil may mga nainis at nainsulto, tiyak na marami ang nakapulot ng aral sa kaniyang “bomb” post na hindi dapat basta-basta maglalagay nito sa social media.
At in fairness naman kay Asec. Uson, hindi siya ang nagmumuwestra sa dalawang kontrobersiyal na video at nagkataon lang na magkasama sila. At ngayong tatlong beses nang nasabit sa isyu itong kaniyang BFF na si Olivar, makabubuti kaya na humanap na siya ng bagong makakasama sa mga ginagawa niyang video?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)