Sa nakaraang paggunita sa kamatayan ng kaniyang amang bayani na si dating Senador Ninoy Aquino Jr. noong Martes, Agosto 21, nabanggit ni dating Pangulong Noynoy Aquino III, na aktibo siyang mangangampanya para sa mga magiging kandidato ng oposisyon sa darating na May 2019 elections. Dahil diyan sabi ng ating kurimaw, aba’y dapat sigurong maghanda na si Noynoy sa mga panibagong kaso at alegasyon na ibabato sa kaniya.
Hindi kataka-taka ang tinuran ng ating kurimaw dahil lubhang mahalaga sa kasalukuyang administrasyon ang May 2019 elections, na tinatawag ding “mid-term” elections, kung saan maghahalal ng 12 senador at mga lokal na opisyal.
Ang mid-term elections ay itinuturing na sukatan sa kasalukuyang administrasyon kung pasado pa sa bayan ang kaniyang ginagawa sa nakalipas na tatlong taon ng pamamahala. Kung higit sa kalahati ng 12 kandidatong senador ng administrasyon ang mananalo, masasabing suportado at natutuwa pa sa kaniya ang mga tao, partikular na ang mga botante. Pero kung nasa lima o pababa ang mananalo sa kaniyang mga kandidato, aba’y tagilid ang bangka.
But wait there’s more! Kailangan maging malinaw din siyempre ang listahan ng mga kandidato ng administrasyon. Dapat talagang kilala na bata ng administrasyon ang kandidato at hindi iyong mga galing sa ibang partido at kilalang malakas tulad ng mga re-electionist senator.
Kung minsan kasi, kapag walang malakas o winnable candidates ang isang partido, kumukuha sila ng malakas na kandidato mula sa ibang grupo at gagawin nilang “guest candidates,” na kapag nanalo ay aangkinin nila na kanilang kandidato.
Bukod sa magsisilbing tropeo ng administrasyon at pagpapatunay na suportado pa siya ng bayan kapag nakapagpanalo ng anim o higit pang senatorial candidates, mahalaga na marami ang kaalyado ng administrasyon sa Senado at maging sa Kamara para maaprubahan ang kanilang mga panukalang batas o legislative agenda. Kung hindi kasi nila kaalyado ang mayorya sa Kongreso at may maghain ng panukalang batas na ibasura na ang kontrobersiyal na “Train Law,” lagot ang buto-buto sa pangongolekta nila ng buwis.
Balik tayo kay Noynoy, ngayong nagpahayag siya na aktibong mangangampanya sa mga kandidato ng oposisyon, tiyak na gagawa ng paraan ang grupo para pahinain ang kaniyang “basbas.” Hindi ba’t ngayon pa lang ay kaliwa’t kanan na ang mga kasong ibinabato sa kaniya? Kung wala na silang mahahalungkat na kontrobersiyal at maikakaso laban kay Noynoy, ano pa kaya ang puwedeng mangyari? Puwedeng ipakulong siya para hindi makasama at makapagsalita sa kampanya.
Kapag ipinakulong nila si Noynoy, aba’y baka sa halip na pahinain ang kaniyang “endorsement power” eh lalo pang lumakas dahil makukuha niya ang simpatiya ng mga tao. Baka nga magkaroon pa ng panawagan na patakbuhin mismo siya na senador para makita ang suporta sa kaniya ng kaniyang mga “boss”– ang bayan.
Gayunman, si Noynoy na mismo ang nagsabi na hindi siya kakandidato dahil ang mas gusto niya ay suportahan ang mga kandidato na makatutulong para mapalakas ang “check and balance” sa gobyerno. Gusto niyang dumami ang mga mambabatas na magtataguyod sa kapakanan at karapatan ng mga tao, lalo na sa panahon ngayon na sa tingin ay niya nababalewala ang “due process” at karapatang pantao.
Noon pa man ay sinasabing hindi “transferable” ang popularidad ng pangulo sa mga kandidato niya. Ibig sabihin, hindi porke sikat ang lider ay sikat na rin ang tauhan. Pero kung hindi naililipat ang popularidad, namamana naman ng kandidato ang mga pabigat na isyu ang administrasyon. At tiyak na kabilang sa mga isyu na dapat sanggahin ng mga kandidato ay ang buwis, mahal na kuryente, at sobrang taas ng mga bilihin.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)