Idineklara na rabies-free ng National Rabies Prevention and Control Committee (NRPCC) ang Isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon sa katatapos lang na National Rabies Summit 2018 na ginanap sa The Heritage Hotel sa Pasay City.
Ayon kay Mitch Famaran, Agricultural Technologist sa Office of the Provincial Veterinarian, tinanggap ngayong taon ng bayan ng Cajidiocan at San Fernando ang award mula sa NRPCC matapos na makapagtala ng zero rabies cases sa nakalipas na tatlong taon. Matatandaang nauna ng idineklara na rabies-free ng NRPCC ang bayan ng Magdiwang sa nasabing isla.
Sa pitong isla sa lalawigan ng Romblon, tanging ang Tablas Island nalang at ang mga munisipyo rito ang hindi pa itinuturing na rabies-free municipality ng National Rabies Prevention and Control Committee (NRPCC) ngunit paliwanag ng Office of the Provincial Veterinarian, malapit na umano itong maigawad sa lugar.
Kinilala rin ang probinsya ng Romblon sa National Rabies Summit 2018 bilang ‘Awardee for No Case of Rabies’.
TInanggap ang mga nasabing parangal at pagkilala ng mga tauhan ng Office of the Provincial Veterinarian sa pangunguna ni Dr. Paul Minano, Provincial Veterinarian.
Samantala, patuloy naman ang pagpapaalala ng Office of the Provincial Veterinarian sa publiko na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso kada taon at siguraduhin ring magpapakunsulta sa mga Doctor kung makagat ng aso at pusa.