Hindi na umano kailangan na mag-antay para dumating sa edad na 100 ang mga senior citizen sa Romblon para makatanggap ng incentives mula sa Gobyerno, ayon kay Governor Eduardo Firmalo ng ito ay magbigay ng kanyang Ulat sa Lalawigan nitong Miyerkules, September 26, sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ayon kay Governor Firmalo, makakatangap ng P50,000 mula sa Provincial Government ng Romblon sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang mga Romblomanon pagdating nila sa edad na 98-99. Hiwalay pa ito sa P100,000 na matatangap na incentive sa mga senior citizen na aabot sa edad na 100 bilang kanilang one-time Centenarian Gift, alinsunod sa Republic Act 10868 or Centenarians Act of 2016.
Sa nakuhang datus ng Romblon News Network mula sa Listahanan ng DSWD-MIMAROPA, as of December 2016, aabot na sa mahigit 24,386 ang senior citizens na nasa kanilang listahan at na-assessed ng ahensya.
Maliban sa nasabing incentives na ibibigay ng Republic Act 10868, patuloy ring nakakatangap ng Local Social Pension ang mga Indigent Senior Citizen mula parin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) alinsunod naman sa R.A. No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nag-aatas sa lokal na pamahalaan na pagkalooban ng buwanang pensyon ang mga kapus-palad na nakatatanda sa lokalidad upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga ito partikular ang pagkain at gamot.
Sakop ng batas na ito ang mga mahihirap o indigent senior citizens na nanghihina na, sakitin, may kapansanan at walang natatanggap na pension o permanenteng pinagkukunan ng kita o suporta sa miyembro ng pamilya.
Ang mga naturang senior citizens ay nakapasa sa requirement ng DSWD National Household Targeting System for Poverty Reduction kung kaya nakasama sa talaan ng mga pensioners.