Iniulat ng Commission on Population (POPCOM) – MIMAROPA na ang bayan ng San Fernando sa Sibuyan Island ang may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy sa lalawigan ng Romblon nitong nakaraang taon.
Ayon kay Andy Pergis, Planning Officer II ng POPCOM MIMAROPA, ng ito ay magsalita sa isang Youth Summit nitong Martes sa bayan ng Santa Maria, ang bayan ng San Fernando ay may naitang aabot sa 561 cases mula 2015 hanggang 2017, malayo ito sa pumapangalawa rito na bayan, ang Odiongan na nakapagtala ng 355 cases sa parehong mga taon.
Sinundan ang Odiongan ng mga bayan ng Looc, Romblon, Santa Maria, at Santa Fe.
Ang nasabing Youth Summit ay information campaign na rin ng Commission on Population, at ng Provincial Government ng Romblon, para maipalawanag sa mga kabataan sa lalawigan ang mga sanhi at posibleng epekto ng maagang pagbubuntis.
Ayon sa pag-aaral ng POPCOM sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan), ang ilang sanhi kung bakit mataas ang kaso ng teenage pregnancy sa lalawigan ay ang mga sumusunod:
- 39% sa populasyon ng mga kabataan rito ay may sexual experience na kung saan 37.5% ay lalaki, at 40.7% naman ay mga babae.
- 31.4% sa populasyon ng mga kabataan rito ay nakipag-talik na bago ikasal.
- Impluwensya ng teknolohiya, ayon sa pag-aaral, 37% ng mga kabataan ay may text mates na hindi nila nakikita personal, may 26.1% ring kabataan ang mga online friends na hindi rin nila nakikita personal.
- Kulang sa pagbabantay ng magulang
- Walang kaalaman sa sex, at kung anong maidudulot nito
Batay rin sa pinakahuling taya ng POPCOM, ang Romblon ay ika-apat sa mga probinsya sa MIMAROPA na may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy.
Samantala, bilang suporta sa programa ng POPCOM, dumalo si Romblon Governor Eduardo Firmalo, at si SP Felix Ylagan, Chairman ng Women, Children and Family Affairs sa Sangguniang Panlalawigan, sa ginanap na Youth Summit sa Santa Maria, at nagbigay ng payo sa mga kabataan.