Hinihikayat ni Relly Diokno ng Office of the Provincial Agriculture ng Romblon ang publiko na magtanim ng mga palay o mais at iba pang mga gulay para mabawasan ang kakulangan ng supply ng mga ito sa probinsya.
Ayon kay Diokno ng makapanayam ng mga mamahayag sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Lunes, September 03, handa silang tumulong sa mga magsasaka na gustong magtanim kagaya ng pagpapautang sa pamamagitan ng mga cooperatives.
Ang nasabing pautang ay tinawag na Production Loan Easy Access (PLEA) program ng Department of Agriculture (DA) kung saan nagbigay sa Romblon ng aabot sa P25-million na pwedeng utangin ng mgamagsasaka. Ito ay pinangako ni Secretary Manny Pinol sa mga magsasaka ng ito ay bumisita sa Romblon nitong nakaraang taon.
“Walang colateral ang pautang, pero doon na sila mag-aapply sa mga conduit ng Department of Agriculture na Arya-Calatrava at sa Saint Vincent [Ferrer Parish Cooperative]. Iniin-courage namin sila na umutang pero dapat sa palay o mais nila gagamitin,” pahayag ni Diokno.
“Ang mauutang ay dipende sa area, ang maximum ay P50,000 pero dipende sa area,” dagdag ni Diokno.
Hinihikayat rin ng Office of the Provincial Agriculture at ng Department of Agriculture ang publiko na magtanim ng white corn o monggo sa mga rice field areas bilang sagot sa shortage ng binhi ng palay para hindi masayang ang mga palayan. Nagkakaloob rin ang Office of the Provincial Agriculture ng libreng pag-araro at handtracktor sa mga palayan, basta magsabi lang umano sa kanilang opisina.
Nakikipag ugnayan rin umano ang Office of the Provincial Agriculture sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mabigyan ng mga training at trabaho ang mga miyembro ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program patungkol sa pagsasaka para hindi sila umasa lamang sa naibibigay ng DSWD.