Mula sa ika-24 sa MIMAROPA noong 2016, naging ika-7 nung 2017, at ngayong 2018 ay itinanghal na bilang #1 o Most Competitive Municipality sa buong rehiyon ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang bayan ng Odiongan.
Ayon sa pinakabagong datus na nilabas ng National Competitiveness Council, ang kanilang naging batayan para mailagay sa #1 ang Odiongan ay ang mga sumusunod: economic dynamism, government efficiency, infrastructure, at resiliency.
Maliban sa pagtaas ng Odiongan sa rehiyon sa ranking ng The Cities and Municipalities Competitiveness Index, tumaas rin ang pwesto ng Odiongan sa pangkalahatan.
Ayon kay Odiongan Mayor Trina Firmalo Fabic, ‘Mula sa pang-404 na pinaka competitive na munisipyo sa Pilipinas noong 2016, umakyat ang Odiongan sa Cities and Municipalities Index bilang pang-132 noong 2017, at ngayong 2018 ay pang-47 na tayo sa higit na 1,360+ na munisipyo sa bansa’.
Pinasalamatan naman ng alkalde ang mga kawani ng munisipyo ng Odiongan, ang mga national agencies lalo na ang Department of Trade and Industry, at ang mga mamayan ng Odiongan dahil sa pagkakaisa at pagtutulungan para maabot ang goal ng munisipyo.
Hiling din ng alkalde na sana ipagpatuloy ang mga nasimulan na para mas umunlad pa ang bayan ng Odiongan.