Mahigit 10,000 pamilya na sa lalawigan ng Romblon ang nakabili ng murang bigas ng NFA na ibinebenta sa “Tagpuan Day – Rice Response Delivery” at mga accredited outlet nito.
Sa panayam ng PIA-Romblon kay NFA-Romblon Provincial Manager Romulo O. Aldueza, sinabi nito na mahigit 5,000 pamilya na ang nakabili ng murang bigas sa kanilang ginagawang “Tagpuan Day” sa mga bayan ng Romblon, Odiongan, Calatrava, Santa Fe, San Agustin at Cajidiocan.
Positibo aniya ang pagtanggap sa kanila ng mga tao sa malalayong barangay kung saan dagsa ang pumipila sa kanilang “Tagpuan Day” para makabili ng mura at may magandang kalidad ng NFA rice sa halagang P27.00 kada kilo.
Ang programang ito aniya ay malaking tulong sa mga mahihirap na pamilya sapagkat mas nakatitipid sila sa pagbili ng bigas mula sa NFA kumpara sa commercial rice na may mataas na halaga.
Ayon pa kay Aldueza, ang natitipid ng mga consumer ay maaari nilang ipambili ng ulam o ng iba pang pangangailangan sa loob ng kanilang tahanan.
Aniya, batay sa kanilang monitoring, humigit kumulang 5,000 pamilya na rin ang nakinabang sa NFA rice na nabibili sa kanilang mga accredited outlet sa halagang P32.00 per kilo sa lahat ng munisipyo sa buong lalawigan.
Batay sa imbentaryo ng pambansang pangasiwaan ng pagkain sa lalawigan ng Romblon, sa kasalukuyan ay sapat pa sa buong buwan ng Setyembre at maaari pang umabot ng unang linggo ng Oktubre ang stock ng bigas sa mga bodega ng NFA.
Inaasahan din sa susunod na buwan ay darating ang karagdagang 30,000 sako ng NFA rice na requirement ng naturang ahensiya para sa tatlong huling buwan ng taon.
“Makakaasa po kayo na ginagawa namin ang lahat ng paraan alinsunod sa mandato ng ahensiya upang masiguro na hindi mawawalan ng suplay ng bigas ang lalawigan lalo pa’t limitado lamang ang produksiyon ng palay dito,” pahayag ni Aldueza.
Sinabi pa ni Aldueza, simula rin ngayong linggo ay nagdagdag na sila ng alokasyon ng NFA rice sa mga accredited outlets para maging visible, accessible at may de kalidad na murang bigas na mabibili ang mga mamamayan sa palengke o pamilihan.
“Tuloy -tuloy po ang pagta-transfer namin ng bigas sa warehouse namin sa Odiongan para tiyakin na sapat sa pangangailangan ng consumers ang suplay namin sa Tablas island,” pagtatapos ni Aldueza.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)