Ipinagdiriwang ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon ang ika-118 Serbisyo Sibil ngayong buwan na ginanap Romblon Public Plaza noong Lunes, taglay ang temang “Lingkod Bayani: Maka-Diyos, Makatao, Makabayan”.
Ito ay pinasimulan sa pamamagitan ng pagtaas ng bandila sa pangunguna ni Governor Eduardo C. Firmalo at halal na opisyal ng lalawigan.
Sa nabanggit na araw ay magsagawa rin ng State of the Provincial Address si Governor Firmalo kung saan kanyang ilalahad ang lahat ng kanyang mga nagawa sa probinsiya ng Romblon simula ng siya ay nanungkulan na gobernador noong 2010 hanggang sa kasalukuyan.
Kasunod nito ay pormal ng sinimulan ang pagbubukas ng “Capitolympics” o palakasan sa larangan ng basketball at volleyball na nilahukan ng mga empleyado ng kapitolyo.
Binigyang pagkilala rin ang mga kawani ng kapitolyo na nagpamalas ng kanilang angking galing at husay sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Inilunsad rin sa naturang okasyon ang Information Education Campaign (IEC) Materials for Disaster Risk Reduction and Management o “Disaster Komiks” na nilikha ni Gng. Precy Manliquez, Professor, Romblon State University (RSU) – Sta. Maria Campus kung saan pinondohan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang pag-iimprenta nito upang ipamahagi sa lahat ng Municipal DRRM, mga barangay at paaralan sa buong lalawigan.
Sinaksihan ang naturang gawain ng mga kinatawan pamahalaang nasyunal, mga halal na opisyal, barangay officials, senior citizens, ganundin ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan.