Isang apat na taong gulang na bata ang nasawi matapos na tamaan ng sakit na dengue sa bayan ng San Jose sa Carabao Island, Romblon nitong Huwebes, September 20.
Kinilala ang nasawi na si Renz Mariano Zacarias, residente ng Barangay Pinamihagan, San Jose, Romblon.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng Romblon News Network, dinala ang bata sa San Jose District Hospital matapos makitaan na magkasakit at makitaan ng sintomas ng dengue virus ngunit kalaunan ay inilipat rin sa isang ospital sa Kalibo, Aklan.
Dahil sa kakulangan ng pasilidad sa San Jose District Hospital para sa nasabing sakit, sa isang ospital na sa Kalibo, Aklan nalaman na tinamaan na ng dengue ang nasabing bata.
Kinumpirma naman ng Department of Health – Romblon (DOH-Romblon) na may unang kaso na ng naitalang casualty sa Carabao Island.
Patuloy naman ang ginagawang kampanya ng DOH-Romblon sa pakikipagtulungan ng Provincial Health Office para maturuan ang publiko kung paano makakaiwas at malalabanan ang mga lamok na may dalang dengue at chikungunya.
Nitong nakaraang linggo, nagsagawa na ng misting sa ilang eskwelahan sa bayan ng Odiongan para masigurong ligtas sa sakit na dengue ang mga estudyante rito.
Sa pinakahuling report ng DOH-MIMAROPA na pinadala sa pahayagang ito, aabot na sa 289 ang kaso ng dengue sa probinsya ngayong taon, mas mataas ng halos 129% mula sa datus noong 2017.