Si Sibale mayor, Hon. Medrito ‘Jun’ Fabreag, Jr. ay nagbigay ng kanyang kauna-unahang Ulat sa Bayan or State of the Municipal Address (SOMA) ngayong umaga ng Martes, ika-25 ng Setyembre 2018, sa may Concepcion Multi-Purpose Hall. Ito ay bilang marka ng kanyang ikalawang taon ng panunungkulan bilang alkalde ng naturang bayan.
Sa kanyang SOMA, una n’yang tinalakay ang mga naipatupad at patuloy na ipanatutupad na mga proyekto sa ilalim ng kanyang administrasyon gaya ng pagpapasemento ng mga kalsada, pagsasaayos ng mga tulay at water canals, ang pagsasaayos ng sistema sa patubig at ang pagpapaganda ng covered court.
Binanggit din n’ya ang mga tulong na naibigay ni dating Congressman Budoy Madrona at ng kasalukuyang Congressman, Toto Madrona para sa mga proyektong ito.
Sumunod na tinalakay ni Mayor Fabreag, Jr. ay ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon pagdating sa ‘peace and order’ ng Sibale. Ibinida n’ya dito ang pinaigting n’yang programa kontra droga katuwang ang pamunuan ng Concepcion Municipal Police Station at mga opisyal ng mga barangay na naging dahilan upang i-deklara ang Sibale bilang ikalawa sa rehiyon ng MIMAROPA na ‘drug-free municipality’.
Kasama rin sa kanyang SOMA ang tungkol sa patuloy na pagbaba’ ng antas ng kahirapan ng mga residente ng Sibale sa pamamagitan ng mga programang ipinagkakaloob ng DSWD gaya ng 4Ps, ang pension para sa mga senior citizens, mga handog pangkabuhayan at ang iba pang mahahalagang proyekto katuwang ang KALAHI-CIDDS.
Binanggit din ng alkalde ang mga hakbang sa pagpapaigting ng mga programa tungkol sa pangkalusugan, edukasyon, pagpoprotekta at pagpapahalaga sa ating kalikasan at ang tamang pagtatapon ng basura. Huli n’yang binahagi ang tungkol sa mas pinaayos na programa tungkol sa ‘disaster risk and management’ kung saan ay nagpatayo pa ang lokal na pamahalaan ng isang command center para magamit sa tuwing may mga dumarating na kalamidad na lubhang nakakaapekto sa buong isla.
Sa pagtatapos ng kanyang SOMA, ipanaabot n’ya sa mga lokal na opisyal ng bayan at sa mga residente ang lubos na pasasalamat sa tiwalang ibinigay sa kanya para magampanan ang mga tungkuling inaatang sa kanya bilang ama ng Sibale. Nagpasalamat s’ya sa lahat ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Sibale sa patuloy na pagbibigay ng mga ito ng hindi matawarang serbisyo para sa mga tao.
Hindi rin n’ya nakalimutang kilalanin ang mga programang naiambag ng mga nagdaang administrasyon para sa pag-unlad ng Sibale.
Umaasa s’yang sa mga darating pang mga taon ng kanyang panunungkulan ay magawa ng kanyang adminsitrasyon ang mga una na n’yang naipangakong mga programa mula ng maluklok s’ya sa pwesto.
Sabi ni Mayor Fabreag, Jr., “In the next few years, I want to further increase the gains that we have achieved so far. I enjoin all my partners to again work hard for the creation of jobs and livelihood, activities for the people, the reduction of poverty among the people, stable peace and order condition, health care and other basic services, environmental management education, disaster risk reduction and climate change adaptation.”
“I believe in the capability and unity of the Sibalenhons. I know that someday, with the grace of God and with us working together, we will be able to attain our vision for Sibale which is a pilgrimage island destination, an alternative haven for simple living with God-loving, self-reliant, resilient and empowered citizenry enjoying healthy, progressive and adoptive environment under a morally upright, pro-active and decisive leadership.”, dagdag pa ng mayor.