Tinanggal na ni Governor Eduardo “Lolong” Firmalo ang Cease and Desist Order na nauna nitong inisyu laban sa kumpanyang Alad Mining Development Corporation na nag ooperate ng marble quarry sa kabisera ng lalawigan matapos ang ilang kunsultasyon sa mga apektadong minero ng kumpanya at ng grupo ng AKKMA.
Ayon sa bahagi ng order na may petsang September 13, 2018 na naka address kay Ginoong Renato Reyes, Presidente ng nasabing kumpanya, nakasaad doon na “Since Alad Mining has satisfactorily complied with the conditions imposed in the cease and desist order and after consultation with PMRB and Notice to the Sangguniang Panlalawigan, I hereby Lift the Cease and Desist Order as of September 14, 2018.”
Matatandaan na inireklamo ng grupong AKKMA ng Mahigugmaon at Nagkakaisang Romblomanon, isang pribadong grupo na nangangalaga ng kalikasan ng lalawigan ng Romblon, ang operasyon ng Alad Mining dahil nakitaan umano ito ng paglabag sa ilang regulasyon tulad ng kawalan umano ng Environmental Compliance Certificate (ECC) at lumagpas din umano sa 2.8851 ektarya na nakasaad sa kanilang aplikasyon.
Ngunit ayon sa pahayag at mga dokumentong isinumite ng nasabing kumpanya sa tanggapan ng DENR-Romblon at PMRB, nasunod naman nila ang mga rekisitos at katunayan ay kumpleto ang kanilang requirements para sa operasyon ng marble quarrying. Hindi umano totoo ang lahat ng mga reklamong ipinarating ng AKKMA sa mga naunang lumabas na balita.
Dagdag pa ng Alad Mining na regular din silang nagre-rehab ng lugar na kanilang kino-quarry sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno, pagsasaayos at pagtatambak ng mga butas na kanilang hinuhukay.
Ayon pa sa kanila, “hindi lamang kami puro-mina kundi nangangalaga din kami ng kalikasan.”