Hindi natin maikakaila na ang bayan ng Odiongan ay tuloy-tuloy sa pagasenso. Patunay dito ang dami ng mga tao hindi lamang mga Odionganon, kundi mga dayuhan tulad ng mga estudyante mula sa iba’t ibang bayan at karatig lalawigan, marami na ang mga sasakyan, mga bahay, at mga establisyemento.
Kasabay ng pag-unland ng isang bayan ay ang pagdami ng mga basura, pagsikip ng daloy ng trapiko ng mga sasakyan, at maging ang banta sa seguridad ng bayan dala ng mga krimen, tulad na lamang ng druga, pagnanakaw, at iba pa – kung ang mga ito ay hindi mapapamahalaan ng maayos at tama ng mga lokal na pamahalaan at kapulisan.
Bagamat wala naman tayong gaanong naririnig na mga ganitong krimen na madalas mangyari sa nasabing bayan, kamakailan ay may nag-report at nagparating po sa atin ng sumbong, na pinayuhan naman nating ipa-blotter na lamang sa Odiongan Municipal Police Station ang kaso o insidente ng pang-aabusong sexual.
Ayon sa sumbong, nangyari ang insidente sa isang bahay, sa Gen. Luna St., Brgy. Liwayway sa bayan ng Odiongan. Ang biktimang dalagita umano ay gumising ng madaling araw, mga bandang 3:40am upang mag-review ng kanyang mga aralin sa paaralan nang biglang may pumasok na lalake na naka underwear na lamang, at hinipuan sa mga maseselang bahagi ng katawan ang biktima.
Ang mga ganitong pangyayari kahit pa ika nga ay ‘isolated case’ ay hindi katanggap-tanggap lalo na sa panig ng biktima at ng kanyang pamilya. Ito’y nakaka-trauma na maaaring habang-buhay na dalahin sa isip ng biktima. Wala pa namang pinipili ang mga manyakis, mapa-bahay o boarding houses ay tinitira, kahit ba pabuso-buso lang.
Paano nga ba maiiwasan ang mga ganitong pangyayari? Makakatulong ang mga ito upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari sa hinaharap.
- Dahil ang CCTV ay malaking bagay upaang ma-deter o di matuloy ang tangka o balak ng salarin, o kaya ay makilala ang ito, maaaring magpasa ng Resolution ang Municipal Council na mag-o-obliga sa mga may-ari ng mga boarding houses na magpa-install ng CCTV.
- Maging ang mga Barangay ay dapat na isaalang-alang ang pagkakabit ng mga CCTV sa mga piling lugar na kanilang nasasakupan.
- Kinakailangang magkaroon ng regular ng inspection sa mga boarding houses for safety and security ang mga kagawad ng pulis at ng BFP.
- Dapat alam ng mga mamayan ang emergency hotline ng PNP, upang matawagan kung sakaling may mga ganitong pangyayari o in case of emergency. Dapat ang mga ganitong emergeny o hotline numbers ay nakapaskil sa bulletin board o madali makitang bahagi ng dingding ng mga boarding houses.
- Para sa mga bahay o boardhing houses naman, kinakailangang mayroong magdamag na ilaw sa labas ng inyong bahay. Kahit siguro 7W lang na LED Light para mas matipid sa kuryente. Tandaan na takot ang mga kriminal sa liwanag at mas gusto nila ang madilim.
- Dapat palaging naka-lock ang mga pinto. Ang door lock ay dapat dalawa, isang door knob at isang deadbolt lock (yung walang hawakan) upang kahit mabuksan ang door knob, ay may isa pang lock na tanging susi lang ang makakabukas.
- Madaling buksan ang lock lalo na kung ang pinto ay maluwag sa hamba nito. Kaya dapat lagyan ng iba pang lock ang pinto
- Tiyakin din na naka-lock o hindi pedeng buksan ang mga bintana mula sa labas.
- Takpan ang mga butas ng dingding ng bahay o toilet. Kadalasan itong mga manyakis na ito ay mahilig ding mambuso. Sa umpisa ay mambubuso, kapag hindi na nakatiis ay malamang pwersahang pasukin ang kwarto upang ituloy ang pagnanasa at panggagahasa sa potensyal na biktima.
- Makakatulong kung may alagang aso, subalit gawin ang pag-alaga nito ayon sa ordinansa ng munisipyo o ng barangay.
- Maaring maglikha ng ingay o sumigaw kaagad ng saklolo ang mga maaaring maging biktima kapag nakaramdam na tila may nagbubukas ng pinto o kaya ay may kumakaluskos sa labas ng bahay o banyo. Ang paglikha ng ingay ay kadalasang nakakalikha rin ng pangamba sa salarin na nagreresulta sa pagkaripas na lang nito ng takbo.
- Laging hingin sa ating Dakilang Dyos na bantayan at iligtas tayo sa anumang nakaambang panganib o sakuna.