Hihilingin ni Vice Mayor Mark Anthony Reyes sa kanyang mga kasamahan sa konseho ng Odiongan na magpasa ng resolusyon na hihiling sa Provincial Government ng Romblon at sa Sangguniang Panlalawigan na imbestigahan ang mga reklamo laban sa Romblon Provincial Hospital.
Sinabi ito ni VM Reyes ng makapanayam ng Romblon News Network nitong Martes, August 07, sa kanyang opisina.
Sa mga Facebook post ni Vice Mayor Reyes, ibinulgar nito ang reklamong inilapit sakanya ng isang Rhandy Artificio Fabicon na di umano’y nakaranas ng hindi magandang sitwasyon sa loob ng ospital nitong nakaraang mga araw.
Sinabi pa ni Reyes ng makapanayam ng Romblon News Network na hindi naman niya hiling na maging perpekto ang ospital sa Odiongan kundi ang magkaroon lang ng dekalidad na serbisyo sa mga pasyente nito tax payer man o hindi.
Ilan pa sa mga reklamo na lumabas sa social media kasunod ng mga posts ni VM Reyes ay ang kakulangan di umano ng Doctor, ang maduming mga CR ng ospital, ang pag-serve ng pagkain na nakalagay sa cellophane, at iba pa.
Itinanggi naman ni Reyes na ang nalalapit na eleksyon ang dahilan kung bakit ibinulgar niya ang mga ito, aniya, sa social media niya rin umano unang inilabas ang issue patungkol sa tangka sanang mining sa Tablas at ang pagpasok ng STL sa Odiongan at nang masolusyunan umano ito ay hindi na siya nagsalita.
Samantala, wala pang pahayag ang pamunuan ng Romblon Provincial Hospital, Provincial Government ng Romblon, at ang Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa mga pahayag na ito ni Vice Mayor Reyes.