Ano kaya ang naalmusal ng mga alkalde sa Metro Manila nang araw na sinasabing nagkaisa raw ang mga ito na aprubahan ang plano na i-ban ang mga pribadong sasakyan na isa lang o “single” lang ang sakay na dumaan sa EDSA sa sandali na tinatawag na “rush hours.”
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nag-anunsyo sa naturang ban na hindi pa sinasabi kung kailan ipatutupad. Ang mga alkalde kasi ng Metro Manila ang bumubuo sa konseho ng MMDA na gumagawa at nag-aapruba ng mga katakaran, programa at kung anu-ano pang ka-ek-ekan na may kaugnayan sa mga plano sa Metro Manila.
Alam kaya ng mga alkalde na maraming kalsada sa lugar nila ang trapik na dapat muna nilang unahing lutasin bago nila panghihimasukan ang trapik sa Edsa?
Dahil siguro naniniwala ang MMDA Council na may “forever” sa Edsa (hindi nga lang love kundi trapik), naisipan nilang i-ban ang mga “single” [occupant] kasi wala naman silang makakasama sa “forever.”
Sabi ng ating kurimaw na walang sasakyan, maganda pero pangit ang plano. Maganda raw kasi mababawasan ang mga sasakyan na sumisiksik sa EDSA kapag rush hour, pero pangit dahil pahihirapan nila ang mga nagsosolo sa sasakyan kapag bumiyahe sa mga side street.
Sa totoo lang, bukod sa walang katiyakan kung madadaanan ang lahat ng side street na alternatibo sa EDSA, aba’y tiyak na katakot-takot din ang trapik sa mga makikipot na dadaanan nila at malamang na maligaw pa ang mga pobreng motorista.
Hindi ba alam ng mga kagalang-galang na mga alkalde [na pawang may mga driver na puwede nilang murahin kapag naligaw sila ng daan] na marami sa mga motorista [kahit mga single] ang nagtitiyaga sa pang forever na trapik sa Edsa dahil hindi sila maliligaw. Wala naman sigurong tanga na magsasayang ng mahal na gasolina sa Edsa kung alam nila na may matinong alternatibong dadaanan.
Kung hindi mo kabisado ang side street na dadaanan mo at mapasok ka sa mga one-way, aba’y baka bawat lungsod na madaanan mo mula sa Caloocan, Quezon City, Mandaluyong, San Juan, Makati, o hanggang Pasay eh katakot-takot na tiket ang abutin ng motorista.
Pero ang malaking tanong, may alternatibo bang daan? Ngayon pa na sangkatutak ang mga hinuhukay na kalsada at kapag umulan ay parang instant noodles na “just add water”—baha.
Kapag natuloy ang nasabing plano, mapipilitan siguro ang ibang “single” occupant ng sasakyan na maging ready to mingle at magsakay ng pasahero kahit hindi nila kakilala para makadaan sa Edsa. Eh papaano kung tulisan ang maisakay? Papaano kung babae ang driver at makapagsakay siya ng manyak o holdaper? Aakuin ba ng mga alkalde at MMDA ang responsibilidad?
Puna ng ating kurimaw, nakaisip ba o ikinunsidera pa ng MMDA at mga alkalde na ibang taktika para mabigyan ng ibang pagpipilian ang mga single occupant na sasakyan. Gaya halimbawa na maglaan ng isang linya lang sa Edsa na dapat puwestuhan ng mga sasakyan na isa lang ang sakay. Kung makikita nila na babagal talaga ang biyahe nila sa linyang pang-single, magkakaroon sila ng ibang pagpipilian kung dadaan sila sa side streets, o mag-commute, o magsasakay ng ibang pasahero.
Dapat tandaan ng MMDA at mga alkalde na karamihan sa mga taong gumagamit ng sasakyan at nagtitiis sa trapik ay dahil ayaw na nilang makadagdag pa sa mga nagsisiksikan sa MRT at mga bus. Ayusin nila ang MRT at daloy ng biyahe ng mga bus at tiyak na kusa nilang iiwan na lang ang kanilang mga sasakyan at magko-commute na lang.
Huwag din nilang kalimutan na ang mga taong nais nilang limitahan ang kilos ay mga taxpayer. Kahit naiinip sila sa trapik, tinitiis nila ang Edsa basta komportable sila sa loob ng sasakyan at hindi maligaw.
Kung talagang ang layunin ng MMDA at mga alkalde ay mabawasan ang mga sasakyan sa lansangan, bakit hindi sila magpasa ng resolusyon na ipagbabawal ang pagbiyahe sa Edsa ng lahat ng bagong modelo ng sasakyan. Aba’y makikita n’yo na pagkakalaki ng karamihan sa mga bagong sasakyan ngayon. O kaya naman, bawal bumiyahe sa Edsa ang mga bagong sasakyan na ‘di pa fully paid; o ang mas matindi, ipagbawal muna nila ang pagbebenta ng mga sasakyan hanggang hindi naaayos ang Edsa. Anong tingin niyo?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)