Pinaaresto na ng Regional Trial Court Branch 82 ang kasalukuyang Sangguniang Bayan member ng San Jose, Romblon na si Antonio Sombilon dahil sa kasong homicide na isinampa laban sa kanya noong February 1998.
Ito ay matapos na i-deny ng Third Division ng Supreme Court ang motion for reconsideration na inihain ni Sombilon noong 2017.
Nag-ugat ang kaso ni Sombilon matapos na mabaril nito at mapatay si SPO3 Gerardo Amerilla noong November 18, 1997 sa Barangay Lanas, San Jose, Romblon.
Batay sa version ng prosecution, gabi ng November 1997 ng dumating umano si Sombilon sa bahay ni Nelson Andres, na noong oras na iyon ay nagpapahinga sa terrace ng kanyang bahay. Nagpaputok umano ng mga warning shots si Sombilon at tinutukan ng baril si Andres kaya agad itong pumasok ng kanilang bahay, nag-lock, at nagpatay ng ilaw.
Samantala, narinig naman ng grupo nina SPO3 Amerilla ang mga putok ng baril kaya tumungo ito sa lugar ni Andres para sana kausapin si Sombilon na noon ay Barangay Captain ng Lanas.
Sinubukan umanong tanungin ni Amerilla si Sombilon kung anong nangyayari ngunit agad umanong binaril ng suspek si Amerilla. Bago masawi si SPO3 Amerilla, naituro pa nito kay Jemuel Agustin kung sino ang bumaril rito.
Itinanggi naman ni Sombilon sa korte ang akusasyon at sinabing self-defense ang nangyari dahil si SPO3 Amerilla umano ang naunang nagpaputok ngunit hindi ito kinatigan ng korte dahil walang narekober na baril malapit sa katawan ng pulis.
Iprinisinta rin ng estado ang isang lalaking di umano’y nirentahan ni Sombilon para patayin sina SPO3 Gerardo Amerilla and Former Mayor Filipino Tandog.
Pinaghahanap na ngayon ng San Jose Municipal Police Station si SB Antonio Sombilon.