Muling pinaalalahanan ng Romblon Municipal Police Station ang mga kalalakihan na huwag na huwag sasaktan at dapat laging irespeto ang kanilang mga asawa at mga anak.
Ang pananakit ng mga lalaki sa kanilang asawa ay paglabag sa batas na tinatawag na Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 o ang Republic Act 9262.
Bilang patuloy na kampanya ng Romblon Municipal Police Station para maiwasan ang nasabing mga krimen, isang symposium ang kanilang inorganisa nitong July 31 sa DC Munting Paraiso Resort, Barangay Agnay, Romblon, kung saan pinag-usapan ang nasabing topiko. May tema ang nasabing symposium na “Sa Mag-asawa, ang Lalaki ang Malakas pero nasa Babae ang Batas”.
Naging tagapagsalita sa event si Atty. Jerry Frank C. Parcon, isang PAO Lawyer III, kung saan kanyang tinalakay ang mga nilalaman ng Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.
Inimbetahan sa nasabing symposium ang mga opisyal ng Barangay sa Romblon, Romblon, mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station at ng Romblon Police Provincial Office, at ang mga lalaking nasangkot na sa pananakit ng kanilang mga asawa.
Sinabi naman ni William M Mazo, Municipal Local Government Operations Officer ng Romblon, Romblon, na dapat ay meron umanong mga VAW Desk ang bawa’t barangay sa bayan para dito na lalapit ang mga kababaihang naabuso ng kanilang mga asawa.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng kanilang 23rd Police Community Relations Month na may temang, “Tapat na Serbisyo at Paglilingkod ng Kapulisan Kaagapay ang Mamamayan, Hatid ay Kaunlaran”.