Muling pinangunahan ni Congressman Emmanuel Madrona ang pagpapasinaya sa bagong tayong covered court sa Barangay Buli sa bayan ng San Agustin, Romblon nitong nakalipas na buwan.
Sa Official Facebook Page ng Kongresista, sinabi rito na ang mga nasabing covered courts ay makakatulong hindi lamang sa mga palaro at programa sa lugar gayun na rin bilang isang evacuation center kung sakaling may sakuna.
Dinaluhan ng mga residente at barangay officials ng Barangay Buli ang pagpapasinaya, gayun na rin nina Vice Gov. Otik Riano, SP Member Arman Gutierrez, Mayor Esteban Madrona Jr. ng San Agustin at ni dating Congressman Eleandro Madrona.
Ang mga nasabing covered courts ay isa sa mga proyektong itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa probinsya.
Maliban sa mga covered courts na nasa mga barangay, may 10 covered courts na rin na ipinatayo ang Department of Public Works and Highways sa loob ng mga pampublikong paaralan ng Department of Education ayon isang Facebook post ni Schools Supt. Roger Capa.