Bigo ang tangkang pamamaril ng isang riding-in-tandem sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong gabi ng Huwebes matapos hindi pumutok ang ginamit na baril ng gunman.
Nahulicam sa CCTV ang pangyayari kung saan bandang 8:07 ng gabi nitong Huwebes makikita ang biktima na si Reynaldo Sombilon sakay ng isang motorsiklo na tumigil sa tabi ng isang tindahan sa Barangay Dapawan at maya-maya ay bigla na itong linapitan ng isa pang motorsiklo sakay ang dalawang tao na may suot na helmet. Dito na siya biglang tinutukan ng baril at pinaputukan ng dalawang beses ngunit hindi ito pumutok kaya napalo ni Sombilon ang kamay ng gunner.
Agad na tumakbo palayo ng motorsiklo si Sombilon habang ang mga suspek naman ay agad na umalis sa lugar.
Kwento ni Sombilon na isang Cafgu, pauwi na sana siya galing sa kampo ng bigla umanong may tumwag sa kanyang lalaking sakay ng isang motorsiklo kaya siya tumabi.
“Akala ko kakausapin ako, yun pala titirahin ako, dalawang beses. Mabuti hindi pumutok.” ayon kay Sombilon.
Agad naman siyang nagsumbong sa mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station na nagsagawa naman ng imbestigasyon at hot pursuit operation laban sa dalawang suspek na positibo ring kinilala ng biktima.
Hapon ng Biyernes ng maaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station (Odiongan MPS) sa pangunguna ni Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez sa pakikipagtulungan ng Provincial Intelligence Branch at ng San Andres Municipal Police Station sa bayan ng San Andres, Romblon ang driver ng sasakyan na si Morena Natsote Regala.
Ayon kay Regala, hinire lang umano siya ng isa pang suspek na kinilalang si Rolando Medina at hindi niya umano alam na may titirahin ito sa bayan ng Odiongan.
Sinabi naman ni Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez, Chief of Police ng Odiongan MPS, maaring pumalya ang bala ng ginamit na baril ni Medina kaya hindi ito pumutok.
Nakakulong na sa Odiongan Municipal Police Station ang suspek na si Regala habang patuloy naman umano ang ginagawang hot pursuit operation ng pulisya laban naman kay Rolando Medina.
Sasampahan ng kasong Attempted Murder ang dalawang suspek.