Pinaalalahanan ng Provincial Health Office at ng Department of Health – Romblon ang publiko lalo na sa mga residente ng mga lugar na may naitala ng kaso dengue na gawin ang 4S strategy para makaiwas sa nasabing sakit.
Ayon sa DOH, ang isa sa bahagi ng 4S ay ang ‘Search and Destroy‘ sa mga lugar na pwedeng pagpugaran ng lamok na may dalang dengue gaya ng mga gulong na may tubig, mga flower base, bao, at mga bote. Magandang gawin ayon sa DOH ay itaob o tanggalan ng tubig ang mga ito na pwedeng pugaran ng mga lamok.
Pangalawang S naman sa 4S ay ang ‘Self-Protection Measures‘ kung saan pinapayuhan ng DOH ang publiko na gumamit ng mga mosquito repellent tuwing umaga o di kaya’y huwag magsusuot ng mga maiikling shorts at damit.
Kung makaramdam naman ng biglaang pagtaas ng lagnat o di mawalang lagnat sa loob ng dalawang araw, at may rashes na sa balat, agad na mag ‘Seek Early Consultation‘ sa mga pinakamalapit na Rural Health Center o di kaya’y sa ospital.
Humingi naman ng tulong sa Barangay at sa Department of Health para sa ika-apat na S ng 4S, ang ‘Say No To Indiscriminate Fogging‘ kung saan pinapayuhan dapat lang magsagawa ng fogging o mesting sa mga lugar na may outbreak o may mataas na kaso ng dengue.
Pinayuhan rin ng Provincial Health Office at ng Department of Health – Romblon ang mga kabarangay official na magsagawa ng clean-up drive sa mga kanilang nasasakupan para mapuksa ang sakit na dengue at ang chikungunya.