Nanawagan ang mga grupo ng mga taong may kapansanan o persons with disability (PWD) sa lalawigan ng Romblon na isaalang-alang ang kapakanan nila at ipatupad ang Batas Pambansa 344 (Accessibility Law) at Republic Act 7277 (Magna Carta for Persons with Disability) sa bawat munisipyo.
Umaapela si Mario Peregrino, presidente ng Romblon Provincial Federation of PWD sa lahat ng local chief executives na ipatupad ang Accessibility Law sa kanilang nasasakupan dahil nasa 4,443 ang kabuuang bilang ng PWDs sa buong lalawigan.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA, sinabi ni Peregrino na ang mga local government unit (LGU) partikular ang municipal engineer ay dapat magsagawa ng inspeksiyon sa mga gusali at establisyemento para matiyak na ang mga ito ay compliant o sumusunod sa mga regulasyon na nag-oobligang maglagay ng pasilidad at serbisyo para sa persons with disability (PWD).
“Karamihan po ng mga private owned building at mga establishments dito sa ating lalawigan ay walang lanes at ramps kung kaya sinusulatan ko ang mga local chief executives na bago magbigay ng building permit sa mga nagpatayo ng gusali na tiyaking kasama sa plano ang access lane/ramps, comfort room para sa PWDs at mahigpit ding bantayan ang mga pampasaherong sasakyan kung sumusunod ang mga ito sa naturang batas,”pahayag ni Peregrino sa lokal na mamamahayag.
“Sa national building code natin, ‘pag hindi naglagay ng CR (pampublikong palikuran) o lanes para sa mga PWD, kung walang ganyan, kakasuhan ang contractor pati may-ari ng establishments gayundin sa mga public utility vehicles (PUJs) ay naoobserbahan ko na hindi pa rin gaanong pinaiiral ‘yung mga reserved seat para sa mga PWD,” dagdag pa ni Peregrino.
Aniya, nagtakda ang batas ng mga pamantayan para siguraduhing “walang hadlang” ang lahat ng pampubliko at pribadong gusali, mga kalsada at ibang daanan ng mga PWD.
Isa sa mga tinitingnan sa gusali bago ito mabigyan ng building permit ang “accessibility features” nito at may mga nakalaan ring paradahan na eksklusibo para sa mga may kapansanan lamang.
Bukod sa mga hadlang sa pagkilos, may kautusan din sa batas para sa mga mamamayang bulag at bingi tulad ng paglalagay ng Braille sa mga elevators.
Nakasaad din sa batas na dapat siguraduhin ng gobyerno na ang mga opisina nitong nagbibigay ng serbisyo ay madaling puntahan ng mga PWD.
Nagbabala rin si Peregrino na ang sinuman ang lalabag sa batas na ito ay maaaring maharap sa parusang pagkakulong o pagmumulta.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)