Matutupad na sa wakas ang pangarap na sementong kalsada ng mga residente ng Sitio Aurora sa Barangay Patoo, Odiongan, Romblon matapos na aprubhan ng Department of Agriculture’s Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) na farm to market road.
Nito lamang Huwebes, August 09, nagkaroon na ng groundbreaking ceremony para sa pagsisimula ng P168-million project na pinanguhanan nina Romblon Governor Eduardo Firmalo, PRDP MIMAROPA Deputy Project Director Alex Ronquillo, at PRDP South Luzon Cluster Deputy Project Director Shandy Hubilla.
Sa mga litrato ng mga taga-Sitio Aurora na ibinahagi sa Romblon News Network ni Charlene Lilang Sixon, taong 2013 ng magtulungan ang mga residente ng Sitio Aurora para mano-manong gumawa ng kalsada pababa ng kanilang lugar.
Kwento ni Bantoan Tribe Chieftain Joefre Lilang, bawa’t sabado noong buong taon ng 2013 ay nagsasama-sama ang may 40 na miyembro ng kanilang binuong asosasyon para magtulong-tulong sa pagbungkal at paglilinis sa lupa para maging kalsada.
“Libre po silang nag trabaho, okay na kami sa meryendang ginatang saging, basta makapagtrabaho kami at magkaroon ng daanan pababa,” kwento ni Lilang ng ito ay magbigay ng kakintalam sa ginanap na groundbreaking ceremony.
Katunayan umano noong hindi pa nila nagagawa ang nasabing kalsada, sa ilog sila dumadaan para lang makababa ng ligtas sa bundok.
Ngayon, isang pangarap ng mga residente ng Sitio Aurora ang matutupad na dahil ang ang kanilang ginawang kalsada na noon ay maputik, ngayon ay sisimulan ng sementuhin ng gobyerno.
Nagpapasalamat naman ang mga residente rito kabilang na sina Charlene at Joefre sa nasabing proyekto dahil malaking tulong ito lalo na sa mga estudyante na nag-aaral sa Odiongan National High School, sa mga guro galing pang sentro ng Barangay Patoo na umaakyat sa Sitio Aurora para magturo, sa mga residente na kailangan ng medikal na atensyon, at sa mga magsasaka na magbaba ng kanilang produkto.