Inilunsad ng pamunuan ng Romblon National High School sa bayan ng Romblon ang “Pamasahe Mo, Katuwang Ako” para sa mga mag-aaral na naka-enrol sa Alternative Delivery Mode (ADM).
Layunin nito na matulungan ang mga estudyante sa Senior High School na kapos o walang pamasahe sa pagpasok sa kanilang klase sa araw-araw upang makapag-aral ng mabuti ang mga ito.
Ang programang nabanggit ay inisyatibo ng Senior High School Department ng RNHS sa pakikipagtulungan ng mga Romblomanong nagtatrabaho sa abroad at iba pang lugar.
Sinabi ni Noemi T. Melano, Assistant Principal II, SHS Department, na ang programang ito ay makapagbibigay-tulong sa mga deserving students na nahihirapang maghagilap ng pamasahe bawat araw.
Ang bawat sponsor aniya ay nagbibigay ng P200 kada buwan na magtatagal sa loob ng sampung buwan o katumbas ng P2,000 sa bawat estudyante, upang matustusan ang pamasahe ng mga ito.
“Mostly po ang recipients ay senior high school students na nakatira sa malayong barangays gaya ng Sablayan, Agpanabat, Palje, Ilauran, Agnaga, Calabogo, Lamao, Agtongo, Agbudia at iba pang barangays,” pahayag ni Melano.
Isandaang estudyante na naka-enrol sa Alternative Delivery Mode (ADM) ang recipients o naitalang benepisyaryo ng RNHS para sa naturang programa.
Naging positibo ang resulta ng panawagan ng pamunuan ng RNHS sa mga nais mag-sponsor kaya ito’y nailunsad kaagad at nagkaroon din ng oryentasyon sa mga mag-aaral na makikinabang sa programang ito.
Ayyon kay Rosemarie Mangaring, principal II ng RNHS, lubos na nagpapasalamat ang pamunuan ng RNHS sa mga taong may ginintuang puso na naging sponsors sa kanilang ADM Program na “Pamasahe Mo, Katuwang Ako” at inaasahang magtutuloy-tuloy ang pagsasakatuparan nito hanggat’t may mga taong nais na tumulong sa mga mahihirap na mag-aaral.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)