Natagpuang ligtas sa Barangay Mainit, Banton, Romblon nitong tanghali ng Martes ang isang mangingisdang galing Mansalay, Oriental Mindoro na tatlong araw ng nawawala simula ng ito ay pumalaot noong August 18.
Kinilala ng Banton Municipal Police Station ang mangingisda na si Nardito Mediado Mariano, 64, residente ng Barangay Teresita sa bayan ng Mansalay.
Kwento ni Mariano sa mga kapulisan, nakaranas ng engine failure ang kanyang bangka habang ito ay nasa gitna ng laot. Nagpalutang-lutang umano siya ng walang pagkain at tubig sa gitna ng dagat hanggang makarating siya bayan ng Banton.
Agad namang dinala si Mariano sa Rural Health Unit para matingnan ang kalusugan nito, dinala rin ito sa Municipal Social Welfare and Development Office para mabigyan naman ng makakain.
Ayon sa Banton Municipal Police Station, ipinag-alam na nila sa Mansalay Municipal Police Station ang kalagayan ni Mariano para makontak na ang mga kamag-anak nito na posibleng nag-aalala sa kalagayan ng mangingisda.
Masaya naman si Mariano ng ito ay kausap ng kapulisan dahil nabigyan umano siya ng ikalawang buhay ng Panginoon.