Masayang ibinahagi ni Carl Villaflores, Provincial Director ng DOLE sa Romblon, sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong Lunes, August 06, na may mga natulungan na silang mga Romblomanong naapektuhan ng pagsasara ng Boracay.
Ayon kay Villaflores, may pitong displaced workers na silang nabigyan ng assistance, katumbas ng kalahati ng kanilang kinikita sa kanilang iniwang trabaho sa Boracay.
Nahihirapan umano sila dahil ang budget para sa mga displaced workers ng Boracay ay napunta lahat sa DOLE Region 06 kaya ang mga taga-Romblon na nag-apply rin ng assistance sa DOLE-Romblon ay kailangan pang dumaan sa Regional Office MIMAROPA tapos ililipat sa DOLE-Region 06 kung saan nila kukunin ang assistance.
Ang nasabing assitance ay ibinibigay kada buwan sa loob ng anim na buwan, katumbas kung ilang buwang nakasara ang isla ng Boracay.
Pinaalalahanan rin ni Villaflores ang mga makakatanggap ng assistance na sa unang payout lang wala masyadong requirements dahil sa susunod na payout ay kinakailangang may patunay ang mga recipient na sila ay dumaraan sa training ng TESDA, DOST, o di kaya’y may patunay na sila’y sumusubok na maghanap ng ibang trabaho.
Maaring lumapit sa opisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Odiongan ang mga Romblomanong nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng isla ng Boracay nitong Abril.